“Ang peg ng concert na ‘to ay true-blue kantahan. Imagine a small gig na nilagay sa Araneta,” says Aiza Seguerra about her September 28 concert that will mark her 25th anniversary in showbiz.

Photo: KR Argonia


“Ayoko mag-concert! Anti-concert ako!”


Ito raw ang unang sinabi ni Aiza Seguerra nang sabihin sa kanya na may balak na mag-produce ng concert para sa kanyang 25th anniversary sa showbiz.

Kinuwento ito ni Aiza mismo sa presscon na ginanap noong August 24 sa Sumosam restaurant sa Gateway Mall.


Ang kanyang Bente Singko concert ay gaganapin sa Smart-Araneta Coliseum on September 28.

Matatandaan na nagsimula si Aiza Seguerra bilang isang child star noong siya’y tatlong taong gulang pa lamang. Gumanap siya bilang anak ni Vic Sotto sa franchise film na Okey Ka Fairy Ko. Sa loob ng 25 years ay gumawa si Aiza ng mahigit 30 movies. Naging acoustic singer-songwriter at guitarist ang aktres at nakilala dahil sa kanyang hit songs na “Pagdating ng Panahon” at “Akala Mo.”

Inamin ni Aiza na hindi niya talaga gusto ang malaking celebration para sa kanyang silver anniversary sa showbiz.


“Sa totoo lang di talaga ako keen sa idea na mag-concert. Ako kasi ‘yong kunwari birthday ko ang gusto ko lang  ‘yong tara kainan tayo! O kaya inuman tayo! Ako ‘yong ganon! Ayoko talaga ‘yong ganito kasi nakakapagod at nakaka-stress,” pag-amin ni Aiza.

Ngunit naisip ng acoustic singer-songwriter na gagawin niya ang concert na ito hindi para sa kanya kundi para sa mga taong patuloy na naniniwala sa kanya.


“Makulit sila pero ginawa na rin siguro nila para makasama ko ‘yong mga mahal ko sa buhay. Sa mga taong patuloy na sumusuporta. Kasi ‘yong iba pinakilala na ako sa anak nila, sa anak ng anak nila. Hindi ito para sa akin, para ito sa kanila,” kwento ni Aiza.

Ano nga ba ang sikreto ni Aiza at nagtagal niya ng 25 years sa industriya? 


“Not knowing what it is,” iyan ang humble na sagot ng dating child star.

Sa 25 years ni Aiza sa showbiz ay naranasan na niya ang magkabilang bahagi ng kasikatan. Naranasan niya maging sikat na sikat at dumating rin naman ang panahon kung saan halos nakalimutan na siya ng kanyang taga-suporta.

Paano ba niya nalagpasan ang mga pagsubok na ito? Nakatulong ba ang mga challenges na ito sa kanyang pagkatao?

“Naka-cope ako because andoon ‘yong support ng family and friends,” sabi ni Aiza.


“Noong dumating ‘yong time na medyo ‘di okay, na medyo ‘di ganoon kalakas. You just have to accept it. Kelangan ng acceptance, that sometimes it happens sa buhay mo. Basta you’re not always on top.

“Pero doon pumapasok ‘yong skills mo to adapt under new environment, under new status. I will not hide the fact na masakit sa feeling na before people used to watch your gigs pero maraming dumadating na bago, na mas gusto nilang panoorin ‘yong bago.

Dahil sa mga pagsubok sa buhay na ito, maraming natutunan si Aiza at nagpapasalamat siya sa mga lessons na ito.

“But you just have to learn how to be humble. You’ll learn that ‘tong industry, this is not real life. Ang totoong buhay is how you go through everything. Honestly, now I am thankful na nangyari ‘yon sa akin. Mas marami akong natutunan noong mga time na down ako, sobra!”


Naging malaking bahagi ng buhay ni Aiza ang TVJ na tumutukoy sa grupo nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon. Labis ang pasasalamat niya sa patuloy nilang pagsuporta sa kanyang career, lalo na kay Vic na tumayong tatay ni Aiza sa showbiz.

Ang Eat Bulaga ang show kunsaan na-discover si Aiza dahil nanalo siya sa contest na Little Miss Philippines noong 1987. Masayang-masaya ang singer sa layo ng kanyang narating mula nang sumali siya sa contest na iyon.


Noong nakaraang linggo ay nagdiwang naman ang Eat Bulaga ng kanilang ika-33 na anniversary sa ere.

“Sobrang proud ako talaga! At the same time na-franchise pa sila. ‘Di lang ako, I know we should all be proud. Ibang honor ‘yon e! Ibang klase ‘yon!  I am happy that I am still part of Eat Bulaga and I will forever be part of Eat Bulaga.

“Plus happy ako kasi napunta ako sa isang family na katulad nila who look out for each other talaga,” sabi ng acoustic singer-songwriter.



AIZA ON TITO SOTTO. Dahil isa sa mga tumatayong ama ni Aiza sa industriya ang controversial na Senador na si Tito Sotto, naitanong rin kay Aiza kung ano ang masasabi niya tungkol sa mga bumabatikos sa senador.

 
Napatunayan kasi na ang ilang bahagi ng kanyang speech sa Senado ay kinopya mula sa isang blog na sinulat ng isang writer based sa Estados Unidos.


(CLICK HERE to read related article)

“It’s a very sensitive topic. Number one because I am Pro RH [Reproductive Health] bill and he is against it. Just to be safe na lang, I don’t want to comment on that. Of course kahit ‘di kami pareho ng point of view ‘yong respeto ko sa kanya, bilang naging kasama ko siya sa trabaho, sa pamilya. Basta ang masasabi ko na lang na I am just happy na even if he’s anti and I am pro, kumbaga walang nangyayaring pigilan o impluwensyahan.”

ORCHESTRA FOR AIZA. Dahil ayaw nga ni Aiza na magkaroon ng concert at umiiwas siya sa malaking selebrasyon, nagsabi si Aiza noon na magko-concert lang siya kung may orchestra para sa kanya.

Nagawan ito ng paraan ng mga producers kaya napa-oo na lang si Aiza. Makakasama ng singer ang Philharmonic Orchestra sa pangunguna ni Gerard Salonga.


“Challenging ‘tong concert na ‘to,” sabi ni Aiza na naging isa rin sa mga producers ng Bente Singko concert na gagawin sa Smart-Araneta Coliseum on September 28.



"TRUE-BLUE KANTAHAN" FOR FANS. Ano ang mga dapat abangan ng kanyang mga fans sa upcoming concert na ito? “Asahan ninyong may kantahan,” ani Aiza. In-emphasize pa niya: “No dancing! No!

“Ang peg ng concert na ‘to ay true-blue kantahan. Imagine a small gig na nilagay sa Araneta.”

Asahan ang 25 medley songs sa concert ni Aiza kasama ang ilang guests na malalapit na tao sa kanyang buhay. Saksihan ang pagsasama-sama ng legendary TVJ trio na binubuo nina Tito, Vic and Joey.


Ang ibang guest performers ay sina Gary Valenciano at Martin Nievera. Fellow ASAP Sessionistas Juris, Richard Poon, Princess, at Nyoy Volante.

Kasama rin ang kanyang mga paboritong OPM singers na sina Cooky Chua, Bayang Barrios, at Gloc 9. Magiging bahagi rin ang Protégé grand winner na si Krizza Neri, at ang vocal group na The Company na kakantahin ang “Pakisabi na Lang.”