After winning The X Factor Philippines, KZ Tandingan becomes a recording artist with the release of her self-titled album. The young singer is thankful to Star Records for producing her all-original album.

Photo: Joyce Jimenez

Kinakabahan daw si KZ Tandingan bago magsimula ang kanyang album launch kagabi, June 27, na ginanap sa Big Shift A. Venue Mall sa Makati City.

Bukod kasi sa album launch niya, isa rin itong mini concert para sa kanyang mga tagahanga.

“Hindi pa rin po talaga ako makapaniwala!” bulalas ni KZ nang tanungin ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) at ibang entertainment press ang pakiramdam niya ng gabing iyon.

“Kanina nga po mine-makeup-an ako, sabi ko sobra ko kinakabahan na parang, ‘Sana ma-postpone muna. 'Bukas na lang’ gano’n po ‘yong feeling.

“Sobra rin po akong thankful na lahat ito nangyari, na sobrang blessed ko, na iilang tao lang po sa mundo ang puwede mabigyan ng ganitong opportunity, ako pa.

“Kahit baka mayro’n pa mas deserving na mabigyan ng ganitong opportunity, ako ‘yong nabigyan ng pagkakataon.”

ALL-ORIGINAL ALBUM. Ang isa sa ipinagmamalaki ng singer sa kanyang debut album na KZ Tandingan ay original ang lahat ng tracks nito.

Sa tulong ng ng song-writer at record-producer na si Jonathan Manalo ng Star Records, maingat nilang pinili ang mga kantang isasama sa album.

Ang isa dito ay naging theme song pa ng ABS-CBN soap opera nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo na A Beautiful Affair, ang kantang “Wag Ka Nang Umiyak.”

Ang isa naman ay ang naging entry sa Himig Handog P-Pop Love Songs 2013, ang “Scared To Death.”

Kasama rin ang own composition ni KZ na “love, Love, Love,” na ayon sa singer ay isinulat niya noong nasa kolehiyo pa siya.

Kuwento ng The X Factor Philippines grand winner, “Nang pinarinig ko kay Kuya Jonathan nahihiya po ako. Tapos sabi niya, ‘Ito, cute, cute,’ sabi ko, ‘masyado po ako pa-cute diyan, ganyan.’”

TRACKLISTING. Narito ang sound track ng debut all-original album ni KZ na  KZ Tandingan, produced by Star Records:

1. Love, Love, Love

2. Umiibig

3. Darating Din

4. Puro Laro

5. Bakit Lumuluha

6. ’Wag Ka Nang Umiyak

7. Un-Love You

8. Scared To Death

BONUS TRACKS: "Killing Me Softly" at "Bakit Lumuluha" (stripped version)