Sobrang nag-enjoy si Zanjoe Marudo sa kanilang ginawang
series of shows sa America at ayon sa kanya, siya ang sobrang excited kaysa mga
kasamahan nitong Coverboys na kinabibilangan nina Jake Cuenca, Victor Basa,
Rafael Rosell at Jon Avila.
Aniya, "Masayang-masaya 'yong mga taong nakapanood sa aming shows. Nagulat sila sa show namin. Talagang hindi nila ini-expect na puro production numbers ang aming gagawin simula sa umpisa hanggang sa matapos."
Ang kanilang matagumpay na show noon sa Music Museum, ang Coverboys...Uncovered, ay kanilang pinerform para sa mga kababayan natin sa United States. Muli nilang ginawa ang mga production numbers na most applauded kaya naman, umani din ito ng palakpakan at tilian mula sa audience.
"Medyo nagulat sila dahil hindi ito tulad ng mga typical shows sa ibang bansa na lalabas, kakanta tapos, i-exit ang performer. Kung ano 'yung ginawa namin sa Music Museum, halos ganun."
Malalaking venue ang nakuhang pagtatanghalan ng Coverboys at naging honest si Zanjoe sa pag-amin na hindi masyadong napuno ang venue pero maraming nanood ng kanilang show.
Una silang nagtanghal sa Ciabo College sa San Francisco, sa Big Quick Theater, Chicago at sa Grand Theater ng Los Angeles.
Isa sa ikinatuwa nito ay ang pagpunta nito sa iba't ibang estado sa East Coast at West Coast sa unang pagkakataon. Nagkaroon siya ng pagkakataong nagkita-kita sila ng kanyang amang limang taon na nagtatrabo sa U.S.A. at tatlong mga kapatid na nag-aaral doon.
"Last June of 2007 kami huling nagkita-kita dahil nagbakasyon sila dito sa atin at hindi naman nagulat ang daddy ko sa klase ng aming show dahil palagi naman silang naka-monitor sa pinaggagawa namin dito. Saka halos araw-araw naman, palagi siyang tumatawag sa bahay."
Bakit sa kanilang magkakapatid, hindi napasama si Zanjoe sa petition ng daddy niya?
"Dapat nga, e. Kinuha din ako ng daddy ko kaya lang, over age ako nung time na ipinitisyon ang tatlo kong kapatid. Puwede naman ako ipitisyon pero matagal ang gagawing paghihintay saka nakakapunta naman ako doon, kaya walang problema."
Ayon pa rin sa aktor, kahit wala siyang trabaho sa Pilipinas ay mas gusto niyang mamalagi dito sa atin kaysa nasa U.S.A.
"Iba kasi 'yong feeling na nandun ka, kasi nakarating na ako doon, e. Saka, alam ko ang pakiramdam ng tatay ko, mga kapatid ko, gusto nila laging umuwi. Sila mismo, nalulungkot na doon. Parang ako, kahit siguro marami akong kinikita doon, iba rin siguro 'yong kahit nandito ka, na hindi ka masyadong kumikita. Iba 'yong feeling na nandito ka sa Pilipinas.
"Kasi makikita mo ang mga Pinoy doon, iba talaga ang lungkot kapag nakakakita sila ng mga Pinoy na dumarating, parang ang saya-saya nila na mayroon silang kababayan na nakikita. Masarap lang magbakasyon. Masarap lang 'yong punta ka lang, pasyal-pasyal tapos balik ka na. Pero, kung titira ka doon, parang mahirap."
Matatandaang isang professional camera ang regalo sa kanya ni Mariel Rodriguez noong kanyang kaarawan, ano naman ang kanyang dalang pasalubong sa kanyang girlfriend?
"Mayroon naman pero naman masyado marami at di rin mamahalin. Sobrang busy kasi ako sa pagsa-sight-seeing kaya pati ako ay walang nabili sa aking sarili.
"Lahat naman may pasalubong sa akin. Pang-maramihan kasi ang binili ko. Mga cosmetics, damit at kung ano-ano. Siyempre, medyo naiiba ang kay Mariel. Secret na lang," sabi ni Zanjoe sabay tawa.




