Matagumpay na ginanap noong August 18 ang gala premiere ng Tanghalang Pilipino musical na Banaag at Sikat sa Little Theater ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Magaling ang buong cast, kabilang ang singer-actress na si Ayen Munji-Laurel na gumanap bilang lead character na si Meni, isang anak-mayaman.
"I'm happy for the whole cast! Because everybody worked really hard... hindi lang ako!" Ayen beamed when PEP (Philippine Entertainment Portal) congratulated her after the performance.
Kapansin-pansin ang natatanging talento at mataas na enerhiya sa pagpi-perform ng mestisahing singer-actress. Nakita ng PEP ang pinagdaanan ng buong ensemble nitong rock musical ilang oras lamang bago naganap ang una nilang performance, dakong ika-3:30 ng hapon noong Agosto 18. Ang dress rehearsal at run-through ng Banaag at Sikat, na kumpletong ginawa ang lahat, ay natapos bandang ika-4 ng umaga nang araw ding 'yon.
Sa evening gala, walang bakas ng pamamalat o pagkasira ng tinig kay Ayen Munji-Laurel at sa iba pang cast. Pero higit ang naging paghamon sa bidang tauhan, dahil marami siyang eksenang sabay niyang ginagawa ang pag-arte at pag-awit.
"It's a fun show, pero mahirap siyang gawin, vocal and everything. We have to sound like 'rock' talaga," patotoo pa ni Ms. Ayen na labis ding nagpasalamat sa natanggap na papuri sa karamihan kagabi.
Bilang Meni, ginagampanan ni Ayen Munji-Laurel ang papel ng isang may pagka-"rebeldeng" anak-mayaman ng kapitalistang si Don Ramon Miranda (Greg Abelardo de Leon). Pinili ni Meni na makapiling at magka-anak sa mahirap na peryodistang si Delfin (Al Gatmaitan) at kalauna'y sumuporta sa mga kauring nagpasimula ng kilusan ng manggagawa, bilang pasimula ng sosyalismo (socialism) sa Pilipinas.
Bilang magsing-irog na nagkatuluyan, may mga tagpo sa musical na ipinakitang nagroromansa sa may gazebo sina Delfin at Meni. Na-challenge daw si Ayen sa ginawa nila ni Al Gatmaitan sa eksenang 'yon.
"One of my most challenging roles... kasi, first time kong magkaroon ng love scene na gano'n," sabi ni Ayen, na natatawang binalikan sa isip ang nangyari, sa kauna-unahang performance na ginawa para sa matinee audience ng musical play.
"Many people kanina, it was... ah, students naman na nanood. Parang nakaka-ilang pala na may bata du'n sa harap mo," aniya, at naisip daw ni Ayen, "parang... puwede bang i-skip na lang natin 'yung part na 'yon?
"No, no, I'm not used to that!" natawa uli siya. "I'm trying to, at least, not do it, but this one naman is all stage technique."
"SEPARATED" ON STAGE. Sa totoong buhay ay happily married couple sina Ayen Munji-Laurel at ang kilalang singer-actor din na si Franco Laurel. Pero madalas, kung hindi sila gumagawa ng separate plays, ay magkasama sila sa iisang dula, o musical, pero walang kaugnayan ang mga tauhang ginagampanan.
Dito sa Banaag at Sikat ang kapareha ni Franco, bilang si Ruperto (isang OFW), ay ang baguhang stage actress na si Martha Comia.
"We're in one stage, pero we're not really acting together. Kasi, mag-asawa na kami, baka maging 'realistic' 'yung eksena," pagbibiro pa ni Ayen.
For his part, Franco shares his wife's view hinggil sa hindi nila pagtatambal onstage.
"Oo, mabuti na lang hindi," pagsang-ayon niya. "Mag-asawa na kami, tapos, kung magpe-play kami ng young sweethearts, baka hindi na malaman ng tao kung alin dun yung totoo at yung hindi."





