Gerald Anderson (left) and Cristine Reyes (right) will star in ABS-CBN's upcoming primetime soap opera Bukas Na Lang Kita Mamahalin.

Photo: Noel Orsal


Nasasabik na ang binatang aktor na si Gerald Anderson sa susunod niyang TV project na may pamagat na Bukas Na Lang Kita Mamahalin.

Kaabang-abang daw ito dahil panibagong tambalan ang makikita ng mga manonood sa telebisyon. Sa kauna-unahang pagkakataon ay makakapareha ng dating Budoy lead actor sa isang teleserye ang kapwa Kapamilya star na si Cristine Reyes.

“Malapit na kaming mag-start so sana abangan n’yo ‘yan,” sabi ni Gerald nang makausap siya ng media sa ginanap na press conference ng FHM kamakailan.


Ayon sa aktor, pati si Rayver Cruz, ang boyfriend ni Cristine, ay excited para sa bagong proyekto na ito.

Sabi pa ni Gerald, “Actually, napag-usapan na din namin [ang tungkol sa programa]. Excited din siya, excited ako, excited din si Rayver para sa amin.”

May ilan na nagulat sa balitang pagtatambalin sina Cristine at Gerald dahil ito ay lumabas ilang linggo pa lamang ang nakalilipas nang umamin si Gerald na huminto na siya sa panliligaw sa singer-actress na si Sarah Geronimo.

Ang kasalukuyang boyfriend ni Cristine na si Rayver ay matalik na kaibigan ni Gerald at dating boyfriend ni Sarah.

Matatandaan na noong 2010, naging mainit na usapan ang tungkol sa hindi pagkakaunawaan nina Cristine at Sarah dahil kay Rayver.

Hindi naman nagtagal ay nagkaayos din ang dalawang aktres na parehong mina-manage ng Viva.

Ginanap ang story conference ng Bukas Na Lang Kita Mamahalin kagabi, September 24. Napag-alaman na makakatrabaho ni Cristine ang kanyang boyfriend na si Rayver sa teleserye na ito.


Ayon sa isang PEP Alert (@scoopbox) na na-publish kahapon, September 24, makakasama rin ang Diamond Star na si Maricel Soriano sa primetime show na ito.


Bahagi rin ng proyekto sina Dina Bonnevie, Tonton Gutierrez, at ang bagong Kapamilya talent na si Diana Zubiri, na kamakailan lamang ay pumirma ng exclusive contract sa ABS-CBN.