Photo: Allan Sancon

Matatandaang nakilala ang child star na si Julie Vega noon bilang si Annaliza. Tumagal at namayagpag sa telebisyon ang teleseryeng ito dahil sa galing sa pag arte ni Julie Vega. Simula ngayong Lunes, May 27, 2013 ay muling makikita sa telebisyon si Annaliza sa katauhan ni Andrea Brillantes. Noong May 16 ay ginanap ang presscon ng Annaliza sa 9501 Restaurant ng ABS-CBN at nagkaroon nang pagkakataon ang PEP.ph na makanayam si Andrea Brillantes tungkol sa kanyang pagiging bida sa remake ng Annaliza.

Anong masasabi mo na ikaw ang bagong Annaliza ngayon at pinili ka mula sa maraming child star ng ABS-CBN?

“Siyempre, masaya po ako, kasi pinagkatiwalaan po nila ako na gagalingan ko sa Annaliza.”

Pero bago ka mag Annaliza, saan saan ka na ba uli lumabas na teleserye?

“Sa Budoy po, ako yung young Jessy Mendiola; sa E-Boy po as Princess; sa Kahit Puso’y Masugatan po, ako po ang gumanap na young Andi Eigenmann; sa Ina Kapatid Anak as young Kim Chiu; lumabas din po ako sa Paraiso as young Jessy Mendiola po uli. Lumabas din po ako sa MMK [Maalaala Mo Kaya] at sa Wansapanataym.”

Ngayon, hindi ka lang young Jessy Mendiola, or Young Andi Eigenmann or Kim Chiu, ikaw na ngayon  ang title role at bida dito sa Annaliza. Anong masasabi mo dun?

“Opo, masayang masaya po ako, kasi pangarap ko po  talagang maging bida.”

Hindi ka ba nahirapan bilang si Annaliza sa mga eksena mo rito sa bago mong teleserye?

“Hindi naman po, kasi para namang hindi malayo yung sarili ko kay Annaliza.”

Anong pagkaka pareho n’yo ni Annaliza sa totoong buhay?

“Mahilig magluto kasi mahilig po akong magluto katulad ni Annaliza, saka iisa yung motto po namin ni Annaliza na never give-up.”

Kamusta ka trabaho sina Zanjoe Marudo at Denise Laurel?

“Hindi ko pa po nakaka eksena si Ate Denise, pero si Kuya Zanjoe po naka eksena ko na po. Nakakatawa po siya. Gwapo po siya tapos mabait din po siya.”

Sino pa ba yung mga iniidolo mong artista ngayon?

“Si Kim Chiu po.  Kasi mabait po siya at ang galing galing niyang umarte.”

Sino naman ang crush mo na artistang lalaki na gusto mo ring maka trabaho?

“Si Daniel Padilla po kasi ang gwapo niya, e."

Hindi ka ba natatakot na baka may magselos sa ‘yo?

“Hindi naman po, kasi mabait po si Ate Kathryn [Bernardo]. Kasi may isa pong sitwasyon na magpapa picture ako kay Kuya Daniel noong nakita ko siya, tinatawag ko si Kuya Daniel, pero hindi niya ako narinig. That time po magka holding hands sila ni Ate Kathryn…kinalabit ko si Kuya Daniel at sinabi ko na ‘Kuya Daniel, pwede po bang mag pa picture.’ Hindi niya ako nadinig pero si Ate Kathryn narinig ako, sabi ni Ate Kathryn kay Kuya Daniel, ‘DJ, papa picture daw si Andrea sa ‘yo.’ Ayun po, nakapag pa picture ako kay Kuya Daniel dahil kay Ate Kathryn. ”

Ano pakiramdam mo that time na nakapagpa-picture ka kay Kuya Daniel?

“Kinilig po ako noon dahil naka akbay si Kuya Daniel sa akin, tapos kiniss niya ako sa noo.”