Ngayong Biyernes, ika-13 ng Marso, magtatapos ang kuwento ng babaeng nanatiling nakangiti sa gitna ng pighati sa Be Strong, Geum Soon. Halos anim na buwan umere ang Koreanovela na ito simula noong ika-1 ng Setyembre 2008.
Sa pagpayag ng ina ni Kristoff (Kim Yoo Suk) na pakasalan nito si Geum Soon (Han Hye Jin), maraming bagay ang magbabago. Sa kanyang pakikipag-isang dibdib sa ikalawang pagkakataon, kakailanganin nang iwan ni Geum Soon ang pamilya ng kanyang yumaong asawa na si Jonathan (Lee Han). Aaminin ng magulang ni Jonathan na sa pagdaan ng panahon, siya ay inako na nila bilang anak, at kahit anong mangyari, ay may pamilya siyang babalikan.
Ngunit walang puwang para sa kalungkutan para sa bagong yugto ng buhay ng masayahing si Geum Soon. Makabubuo na rin siya ng panibagong pamilya, at magkakaroon na rin ng ama ang kanyang anak na si Nathan (Lee Eun Soo). Higit sa lahat, tila dadaan na rin ang tunay na swerte sa kanyang buhay sa isa-isang pagtupad ng kanyang mga pangarap.
Ano itong matagal na niyang mga hiling na magkakatotoo? Ano pang kaligayahan ang maaari pang maidagdag sa pagmamahal ng kanyang itinuring na pamilya at magiging pamilya? Abangan ang lahat ng ito pagtatapos ng napakagandang kuwento ng pag-ibig, pag-asa, at pamilya sa Be Strong, Geum Soon, sa Dramarama sa Hapon ng GMA-7.



0

