Muling natikman ng mga housemates ang lupit ni Kuya nang magdesisyon itong patawan ng automatic nomination sina Gee-Ann Abrahan, Kian Kizemi, Bodie Cruz, at Dionne Monsanto na pawang lumabag sa kanyang mga kautusan.
Ang pagdagdag sa timbang ni Gee-Ann Abrahan ng mahigit 5 lbs. ang naging sanhi ng pagiging nominado ng dalaga habang pare-pareho namang lapel violation o ang hindi pagsuot o hindi pagbubukas ng kanilang mga lapel ang naging pagkakamali nila Kian, Bodie, at Dionne.
First time sa history ng Pinoy Big Brother na ang mga nominado ay pawang mga automatic nominee.
Nabigla ang lahat ng mga housemates sa naging desisyon na ito ni Kuya pero hindi naman nagkulang ng pagpapaalala ang may-ari ng bahay tungkol sa kanyang mga regulasyon.
Sa katunayan, ito na ang ikalawang pagkakataon na pinarusahan ni Kuya ang kanyang violators pero mukhang hindi pa rin nagtanda ang mga housemates tulad na lamang ni Kian na pangalawang beses nang napatawan ng automatic nomination dahil sa hindi pagsunod sa Big Brother House rules.
Magtanda na kaya ang mga housemates sa pagkakataong ito? Sino sa apat na nominado ang tuluyang mapapalayas sa darating na 3rd Eviction Night ng Pinoy Big Brother Season 2?





