[x]
  Angel Locsin and John Lloyd Cruz topbill ABS-CBN's Imortal, which will air on ABS-CBN starting October 4. Photo: ABS-CBN

"Isang dramang may pangil." Ito ang deskripsyon ni Direk Chito Roño sa bagong fantaserye ng ABS-CBN, Imortal. Pinakita ang primer ng naturang fantaserye sa Showbiz News Ngayon noong Biyernes, October 1.

Ito ang bagong palabas na pagbibidahan nina Angel Locsin at John Lloyd Cruz. Ang Imortal ay tungkol sa laban ng dalawang lahi, ang mga Lobo o Waya at ng mga Bampira o Sangre. Si Lia (Angel) ay mula sa grupo ng mga Waya at si Matteo (John Lloyd) naman ay galing sa grupo ng mga Sangre. Sila ay magtatagpo at magmamahalan, ngunit ang kanilang pag-ibig ay pipigilan ng kanilang lahi.

VAMPIRE GENRE. Marami nang mga palabas mula sa ibang bansa na napanood na may ganitong tema, tulad na lang ng Twilight saga. Pero ayon sa isa pang direktor ng palabas na si Jerry Lopez Sineneng, iba ang love story na ipapakita sa Imortal.

"Yes, this is story about vampires and lobos, yet they have real human emotions na kakapitan nating lahat, na mamahalin nating lahat, na maiintindihan nating lahat."

Ayon naman sa mga sumulat ng palabas na ito, isa sa mga naging problema nila ay ang konsepto tungkol sa mga bampira. Ang madalas na mapanood ng mga tao na palabas na tungkol sa bampira ay madalas mula sa ibang bansa.

"Isa sa mga problema namin, ang bampira is an alien sa culture natin. Wala tayong bampira pero marami tayong aswang, marami tayong manananggal."

CHOOSING THE CAST MEMBERS. Habang binubuo ang kuwento ng palabas na ito, inamin ng mga sumulat na ang nasa isip nila na gaganap ay si Angel Locsin at ng mapasok na sa kuwento ang tungkol sa mga bampira, agad nilang naisip ay si John Lloyd Cruz.

"When we do this, si Angel na talaga yung nasa utak namin. Nung naisip yung konsepto ng vampire, wala kang ibang maiisip kung hindi si John Lloyd, parang siya lang talaga yung bagay."

Inamin din ni Direk Chito na matagal na niyang inaabangan ang pagtatambal nila Angel at John Lloyd. At hindi nga nagkamali ang direktor nang makita niya ang tambalan ng dalawa habang ginagawa ang palabas.

"I've been waiting for John Lloyd and Angel to be together in movie or sa TV show. Ang ganda-ganda nila tignan. First day pa lang alam mo nang they have it, they have it. They look good together perfect chemistry, perfect attitude for work, parehong professional, what more can you ask for."

MAKING IMORTAL. Isang malaki at magastos na produksyon ang Imortal. Ayon sa production designer na si Richard Somes, ang kanilang layunin ay "magmukhang timeless [ang set], rather than dated."

Pagdating naman sa mga special effects, isang mas makabagong teknolohiya ag ginamit para sa palabas. Ayon kay Dodge Ledesma, ang Visual Effects Supervisior, "First time sa isang set na ganito ka-intensive yung mga wolves. Kasi dito, instead na gumamit tayo ng regular na aso, dina-dilate na natin siya from computer."

Maging sa mga damit at iba pang mga dapat suotin ng mga artista ay maingat na pinag-aralan. Tulad ng mga prosthetics at contact lenses na ginamit ay inangkat pa mula sa ibang bansa.

Maging sa mga damit nila ay naging maingat si Rex Atienza, ang stylist ng mga artista sa programa. May mga ilang bagay siyang pinag-aralan para malaman ang dapat na isuot ng mga artista na talaga naman ginastusan at pinagkapili-pili nila.

"Si Angel ay isang Lobo so her outfit is very flimsy, very feminine, normally nasa light colors siya. Si John Lloyd is a vampire, so laging naka-earth tones, tapos vivid colors. Ang look ng mga vampires, very strong, edgy, yung mga Lobo mas malamig sa mata."