If luck smiles on him, John "Sweet" Lapus promises to give his all as transvestite Babaylan Ida in Shaider. Photo: Noel Orsal (John) & Internet photo (Ida)

 

Tuwang-tuwa si John "Sweet" Lapus nang malaman niyang gagawin ng GMA-7 ang local version ng Japanese adventure series na Shaider, na pagbibidahan ni Marky Cielo.



Paborito raw kasi ni Sweet ang Shaider, tulad ng hilig niyang mangolekta ng X-Men comics. Ang pinakapaborito raw na character ni Sweet sa Shaider ay si God Officer Poe, na noong i-dub sa Philippine version ay pinangalanan itong Babaylan Ida. Ang Japanese actor na si Jun Yoshida ang gumanap sa original Japanese version.

 

Ayon sa profile ni Babaylan Ida, isa itong transvestite na apo ng kontrabidang si Kubilai. In other words, bading na bading ang role na ito na gusto sanang gampanan ni Sweet sa gagawing TV version ng GMA-7.



"Magkaboses kasi kami ni Babaylan Ida, ‘yong garalgal na madahak-dahak. Tsaka pabolosa si Babaylan Ida. Lagi siyang naka-white robe tapos ang laki-laki ng ulo niya na may sungay. Chaka talaga ang tunay na hitsura niya, pero beautiful siya kapag nagtatago siya ng anyo niya. Sana mabigyan ako ng chance na gampanan ang role na ‘yan kasi baklang-bakla siya at bibigyan ko ng sariling personality si Babaylan Ida," pahayag ni Sweet.

 

Inamin din ni Sweet na tinawagan niya mismo ang executives ng Kapuso Network para makiusap na siya ang kunin sa role ni Babaylan Ida. Hanggang ngayon ay wala pa ring nakukuhang sagot si Sweet.



Samantala, maganda na ang itinatakbo ng kinabibilangang showbiz talk show ni Sweet na Showbiz Central. Last Sunday, May 27, ay nag-tie na sila ng The Buzz, with both shows getting a 12.6 percent rating. Isang magandang sign daw ito na unti-unti nang nagkakainteres ang televiewers sa mga features na ipini-present ng Showbiz Central.



Ayon kay Sweet, mahirap daw talaga para sa isang bagong show na makuha ang interes ng maraming televiewers.



"Noong nagsimula kami sa The Buzz, ganyan din kami," sabi niya. "Hindi kami umangat-angat. Nasa adjustment period pa kasi lahat. Siyempre, bago ang show kaya kailangan ay hulihin mo ang interes ng bawat televiewer. Kailangan ma-feel nila ang puwedeng mai-offer ng Showbiz Central na kakaiba sa kabilang show.



"Kaya nagpapasalamat kami sa Diyos kasi unti-unti na naming nakukuha ang interest ng televiewers. So far, okay naman kami in terms of features. May mga exclusive features at interviews kami. Maganda na ang mga feedback namin kaya nakakalakas ng loob.



"Basta kami sa Showbiz Central, ang gusto naming ihatid ay mga nakakalokang showbiz balita na doon lang sa show mapapanood. Sabi nga nila, patience is a virtue kaya hindi kami nagmamadali. Darating din ang araw na magugulat na lang ang lahat dahil bongga na ang dating ng show namin," nakangiti niyang pahayag.