The well-loved Pinoy children's show, Batibot, will make its anticipated return on November 27, 2010. It will air every Saturday from 8:30 to 9:00 a.m. on TV5. Ate Maya (Kakki Teodoro) and Kuya Fidel (Abner Delina) will serve as the hosts. Photo: Courtesy of TV5

Walong taon matapos mamaalam sa telebisyon ay muling nagbabalik ang popular na Filipino children's program na Batibot.

Sa press conference na ipinatawag noong Sabado, November 20, sa Dulcinea restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, ay masayang ibinalita ng executive producer nito na si Feny de los Angeles-Bautista, na tuloy na tuloy na ang pag-ere ng bagong season itong darating na Sabado, November 27, 2010. Mapapanood ito mula 8:30 to 9:00 a.m. sa TV5.

Masayang bungad ni Teacher Feny: "Sa kasal daw 'di ba merong something old, something new, something borrowed—parang ganun din siguro sa Batibot. Something old, andiyan pa din ang mga dating kaibigan katulad nila Manang Bola, sila Ningning at Gingging—ang magkapatid na sa pamamagitan nila nasasalamin namin para sa mga bata ang buhay pamilya na napakahalaga para sa kanila.

"Si Kapitan Basa, may bago din sa kanya, kasi ngayon mas marami na siyang super powers at tsaka may kontra bida na sa Batibot. This time mas malakas ang loob ko na magpasok ng kontrabida, mga kontrabida na magiging hadlang sa pagkatuto ng mga bata... Pero si Kapitan Basa 'yong super powers niya laging may kaugnayan sa pagpapalalim at pagpapalawig ng kakayahan ng mga bata."

Hindi naman magbabalik sina Kiko Matsing at Pong Pagong—ang dalawang pinakasikat na muppets ng programa—dahil nasa pangangalaga na ang mga ito ng U.S.-based company na Children's Television Workshop (CTW).

NEW PLAYMATES. Bukod siyempre sa mga cute at adorable muppets ay hindi rin mawawala ang mga karakter na ginagampanan ng mga tunay na indibidwal.

Sino nga naman ang makakalimot sa mga kuwento ni Kuya Bodjie (Bodjie Pascual) at aral na ibinabahagi ni Ate Sienna (Sienna Olaso) sa mga batang manunood.

Ngayon ay pangungunahan naman nina Ate Maya (Kakki Teodoro) at Kuya Fidel (Abner Delina) ang bagong barkada ng Batibot.

Ipinaliwanag ni Teacher Fely na sinadya nilang bigyan ng palayaw at ilayo sa kanilang tunay na pangalan ang karakter na gagampanan nila Kakki at Abner.

"Learning also from the experience of Sienna and Bodjie, I told Kakki and Abner that we will give them screen names this time so you can have life outside the show and para ma-build pa nila 'yong careers nila. Hindi lang sila puwede mag-bold, kailangan behave pa din sila," natatawang sabi ni Teacher Fely.

"Kasi si Bodjie talaga, he's such an excellent actor pero hindi niya ma-shake off 'yong Kuya Bodjie character, and then of course si Ate Sienna. They did their comeback segments, starstruck 'yong mga crew, nakakaaliw kasi nagpapa-picture sila with them."

Laking Batibot ang 22-year-old stage actress na si Kakki. Nung nakita nga daw niya sina Kuya Bodjie at Ate Sienna sa set ay gusto niyang "yakapin" ang dalawa.

Alam ni Kakki na malaking papel ang pupunan nila ni Abner bilang mga bagong mukha ng paboritong children's show.

"Mahal ko rin po kasi ang mga bata at kung papaano ko po minahal sila Kuya Bodjie noon, gusto ko lang po maging sarili ko, sarili kong Ate Maya. Hindi ko pa po masasabi kung mamahalin nila ako. Basta ang alam ko po na if I true stay to myself, the kids will respond.

"Confident naman po ako sa amin ni Abner na mamahalin kami ng kids dahil mahal din namin sila," tugon ni Kakki, na kasalukuyang napapanood sa musical play na Magsimula Ka.