Melai Cantiveros and Jason Francisco will soon show their dramatic skills through Precious Heart Romances Presents Mana Po. Photo: ABS-CBN

Maganda ang pasok ng 2011 para kay Jason Francisco. Early January pa lang ay nagte-taping na sila para sa upcoming series nila ng real-life girlfriend na si Melai Cantiveros. Ito ay ang Precious Hearts Romances Presents Mana Po.

Ayon kay Jason, ang Mana Po ay kuwento ng dalawang tao na mula sa magkaibang mundo: ang karakter ni Jason ay mula sa mahirap na pamilya, samantalang ang karakter ni Melai ay mula sa mayaman na angkan. Si Tom Rodriguez ang magiging ka love triangle nila sa TV show na ito dahil ang karakter ni Tom ay in love na in love sa karakter ni Melai.

"Ang istorya ay tungkol sa mana, sa pera, sa kayamanan. Kaya Mana Po ang title," paliwanag ni Jason sa PEP nang maabutan siya sa ABS-CBN compound noong January 27.

"Anak na panganay ako dito. Pasan niya yung mga problema,"  kuwento ni Jason tungkol sa karakter niya.

"Si Melai naman Ingglesera, sosyal, kabaliktaran niya din," ang pag-describe naman ni Jason sa karakter ng kanyang kasintahan.

Iba ito sa mga naunang mga proyekto ng Melason dahil "sobrang ma-drama, sobrang mabigat, kakaiba."

Para nga paghandaan ang mga ma-dramang eksena dito ay nag-workshop sila. "Medyo mahirap po talaga mag-drama," pag-amin ni Jason. "Yung sa Impostor, medyo may drama nang kaunti, pero di naman kami yung bida. Sa Mana Po, kami na yung bida e."


Sa Impostor, nakasama ng Melason love team sina Sam Milby at Maja Salvador.

"Nahirapan akong umiyak, di kasi ako masyadong marunong umiyak, e," pag-amin ni Jason. "Hanggang teary-eyed, yung maluha-luha lang."

"Pero okay naman daw yun kasi lalake naman ako."

Tungkol naman sa kanyang kasintahan at leading lady sa show, ayon kay Jason: "Magaling po si Melai umiyak. Magaling talaga po siya."

Kinuwento din ni Jason ang lugar kung saan sila kasalukuyang nagte-taping, sa Pakil, Laguna. "Sobrang malayo! Pero ang ganda ng lugar, ang ganda ng simbahan dun! At saka mababait yung mga tao."

DREAM ROLE.  Bagamat bagong challenge ang pagsabak sa drama, ayon kay Jason, "Mas komportable talaga ako sa comedy. Gusto ko yung comedy na may kaunting action."

"Mahilig kami sa comedy, yung tawa-tawa lang. Doon, iba na yung role namin, e."