Hinding-hindi makakalimutan ni Angeline Quinto kung gaano kabait si Sharon Cuneta sa kanila. "Kapag po bago po kami mag-perform, talagang hinahanap niya po kami isa-isa, tapos siya pa po talaga yung maggu-good luck sa amin. Tapos pagkatapos naman po ng performance namin, yun din, magpapasalamat po siya sa amin. Tapos talagang, 'anak' po yung tawag niya sa amin," papuri ni Angeline sa Megastar. Photo: Noel B. Orsal

Naging emotional si Angeline Quinto sa presscon ng Star Power finalists kamakailan.

Ang Star Power ay ang reality singing tilt ng ABS-CBN, na magdaraos ng finale sa Linggo, February 20. Ang host at mentor nito ay si Sharon Cuneta.

Ang co-finalists ni Angeline ay sina Monica Sacay, K-La Rivera, Akiko Solon, at Krissel Valdez. Sa limang finalists ay si Angeline ang may pinakamalungkot na kuwento.

Hindi napigilang maiyak ni Angeline nang ipagtapat sa nakikinig na press na naisanla niya ng kanilang bahay para lamang mapaoperahan ang kanyang ina.

Sinabi niya ito bilang sagot sa tanong na ano ang gagawin niya sa perang matatanggap sakaling siya ang palaring manalo.

"Babayaran ko po kasi yung mga utang po na, mga utang ko kung kani-kanino. Dahil nga po dun sa pag-oopera ng Mama ko. Naiiyak na naman ako, sorry po!" panimula ni Angeline, na patuloy ang paghingi ng paumanhin dahil sa kanyang pag-iyak.

Pagpapatuloy ng contestant na tinaguriang Pop Belter ng Manila. "Hindi niya alam po yun na may utang ako. Sorry po! Hindi niya po alam talaga na nakasanla po yung bahay namin. Hindi niya po yun alam. Ano ba 'yan?

"Yung kinailangan po nung ano, nung nilagyan po siya ng pacemaker kaya, yun, hindi niya po talaga alam yun, na may utang ako sa mga kapitbahay namin.

"Saka pinangako ko po sa sarili ko na ano, e, na hindi ko po talaga gagayahin yung ano, yung ginawa po sa akin ng kuya ko na, nung time na, yung time po na kailangan ko, hindi niya po ako tinulungan.

"Hinding-hindi ko po yun tutularan talaga, kaya, maganda na rin po na nangyari yun kasi, isa po siya sa nagpalakas sa loob ko kaya siguro po hanggang ngayon nandito po ako sa Star Power."

Malaki raw ang isinasakripisyo niya sa kanyang ina dahil mahal na mahal niya ito. Kaya naman nalulungkot siya dahil abala siya sa Star Power, at hindi niya naaalagaan ang maysakit na ina.

"Kasi po si Mama po bale, bagong opera po siya kaya, meron po, parang second tita ko na pinakiusapan ko po munang mag-alaga sa kanya. Kasi nga po medyo busy kami lalo ngayong magga-grand finals na po. Pero alam ko naman na ano, naiintindihan naman po yun ng Mama ko kasi para sa kanya naman 'tong ginagawa ko," saad niya.

At kahit hindi manalo ay magiging masaya pa rin siya dahil makakasama na rin niya ang ina niya.

"Kung sakaling hindi po ako palarin dito sa Star Power, bibigyan ko po ng time yung Mama ko, siyempre po. Kasi medyo, hindi na nga kami nagkakasama lagi," pagwawakas ni Angeline.