Masayang-masaya si Superstar Nora Aunor matapos niya mapanood ang unang episode ng mini serye ng TV5 na Sa Ngalan Ng Ina.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang entertainment press si Ate Guy sa ginanap na red carpet premiere ng Sa Ngalan Ng Ina noong Setyembre 22 sa Cinema 2 ng SM The Block sa North Avenue, Quezon City.
"Masaya [ako] dahil unang-una ngayon ko lang nakita ulit ang sarili ko sa screen," tuwang-tuwa na sinabi ni Ate Guy.
"At masaya dahil nakita ko 'yong pinaghirapan namin na lumabas na maganda, at no doubt naman 'yon 'pag si Mario [O'Hara] ang direktor namin.
"Talagang 'pag pinanood mo 'yong gawa niya, talagang sigurado 'yong magagandahan ka."
Bukod sa nagbabalik showbiz na si Ate Guy, nasasabik din ang kanyang mga fans sa muling pagtatambal nila ng kanyang ex-husband at ka-love team na si Christopher de Leon.
Malaking karangalan daw para sa kanya na makatrabahong muli ang King of Drama. Gayunman, mas mature na Ate Guy at Boyet na daw ang mapapanood sa mini serye na ito.
Paliwanag niya, "Ibang istorya kasi ito, e. Kumbaga sa ano, hindi ito tulad ng dati naming ginagawa na pa-cute.
"Dito, kapupulutan ng aral talaga ito, lalo na sa nangyayari ngayon sa atin sa politics, sa pulitika 'ika nga.
"Pero, wala naman pinapatamaan ang aming ginawa."
WORKING WITH TV5. Matapos na mawala ng walong taon, sa Kapatid Network napili ni Ate Guy na gumawa ng isang comeback show.
Ito daw ay dahil sa mainit na pagtanggap at magandang pagtrato sa kanya ng naturang network.
Aniya, "Happy ako talaga, walang biro. Walang ibang studio o ibang network na talagang nagbigay ng importansya sa akin, nag-alaga at talagang pinakita ang kanilang pagmamahal sa isang katulad ko po.
"Kaya ang aking pasasalamat sa TV5, sa lahat-lahat maging sa mga cameraman at mga staff na talagang wala po akong reklamo, wala po talaga.
"Isa po kaming pamilya na nagta-trabaho.





