Nag-alangan noong una ang aktres na si Dina Bonnevie na tanggapin ang role na Kristine sa ginawang sequel teleserye ng TV5 sa pelikulang P.S. I Love You.
Ang karakter kasi na ito'y unang ginanapan ni Megastar Sharon Cuneta, kasama ang kanyang real life love team na si Gabby Concepcion—ang gumanap na Mark sa nasabing pelikula na pinalabas noong 1981.
Si Gabby pa rin ang gaganap sa naturang role sa ginawang sequel na ito.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang entertainment press si Dina noong Miyerkules, Nobyembre 16, sa presscon ng P.S. I Love You na ginanap sa Renaissance Tower, sa Ortigas, Pasig City.
"Ako, for me no'ng una akong sinabihan ako 'yong gaganap sa role ni Sharon, medyo natakot ako kasi baka hanapin ng tao 'yong Sharon-Gabby [love team]," pag-amin niya.
"But actually it's a sequel na hindi naman siya totally 'yong P.S. I Love You dati.
"Ngayon maganda 'yong twist na hindi pala sila nagkatuluyan ni Mark. Marami, maraming twists."
CHALLENGING ROLE. Masaya si Dina dahil sa kanya ipinagkatiwala ang role na ito ni Kristine.
Gayunman, naging challenge sa kanya ang pagganap dito dahil na din sa mga nakasanayan niyang roles noon.
Paliwanag niya, "Medyo nahirapan lang ako kasi most of my roles, medyo bida-kontra bida ako, here parang medyo weak.
"Later on siguro magbabago 'yong character ko, but I already adjusted. In the beginning nahirapan ako kasi I'm really used to play power-woman roles, so, biglang helpless.
"On the first few scenes, nakikita ko si Dina, si Kristine ito and Kristine is weak. So, medyo nahirapan ako na I have to keep remembering that Kristine is weak."
At dahil nga "weak" ang karakter ni Kristine, karamihan sa mga scenes na kinukunan kay Dina ay umiiyak siya.
Pero, dahil sa role na ito'y nadiskubre niya ang iba pa niyang kakayahan bilang aktres.
Kuwento niya, "Actually nahirapan ako kasi nga sabi ko kay Boss [Vic], 'boss, ang dami ko nang ginawang soap, pero itong soap lang ang sobrang, kung hindi siya near insanity parang nervous breakdown naman, iyak ng iyak, kung hindi naman sobrang fear.'






