Sun, December 21, 2014
News
Text size: A A A
Dennis Trillo to undergo knee operation
By Nitz Miralles
03/27/09 06:57 pm

 

Na-interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Dennis Trillo sa telepono last Wednesday, March 25, after his Good Housekeeping pictorial. Kahit napagod sa kapu-pose, masaya at game na game nitong sinagot ang mga tanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

 

Ang scheduled April 1 operation sa kanyang right knee ang inalam namin kay Dennis. Sasailalim ang aktor sa operasyon sa St. Luke's Medical Center dahil sa tinamong Acute Cruciate Ligament (ACL) injury habang nagte-training sa natapos niyang fantaserye sa GMA-7, ang Gagambino.

  

Gaano katagal ang operation at ano ang gagawin sa tuhod niya?

 

"Kung maooperahan ako ng 7 a.m., sa afternoon makakauwi na ako ng bahay. Ang sabi sa akin, bubuksan ang likod ng knee ko at lalagyan ng wire para palitan ang napunit na litid. Kailangan nang operahan dahil hindi gagaling kundi bubuksan," lahad ni Dennis.

 

Nagpaalam na si Dennis sa SOP at Bubble Gang dahil ilang linggo rin siyang hindi makakapag-report at makakapag-taping. Puwede siyang mag-host at kumanta sa SOP, pero bawal siyang sumayaw.

 

Pagkatapos niyang maoperahan, dadaan sa therapy si Dennis. Kailangan din niyang magpahinga for two weeks bago muling sumabak sa trabaho. More or less, one month hindi puwedeng magtrabaho ang aktor.

 

Mabuti na lang, tinapos muna ni Dennis ang kanyang mga trabaho. Thankful din siya na tumama sa Holy Week ang kanyang operasyon, therapy, at pagpapagaling, kaya walang schedule niya ang tatamaan ng husto, except for SOP.

    

COFFEE PRINCE. Sa kanyang pagbabalik, masisimulan na ni Dennis ang taping ng bago niyang primetime show sa Kapuso. Ang latest, baka hindi na ang Pinoy adaptation ng Koreanovela na Coffee Prince ang gagawin niya dahil gusto raw ng management na original material ang gawin nila. Puro adaptations kasi ang umeereng shows ngayon ng Kapuso network—Totoy Bato, Zorro, Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, at All About Eve. Puwede ring bina-bluff kami ng aming kausap dahil nasulat dito sa PEP ang tungkol sa Coffee Prince.

    

If ever Coffee Prince pa rin ang gawin nila ng magiging leading lady niya na si Jennica Garcia, palagay ba ni Dennis ay may chemistry sila bilang magka-love team considering the age gap? Magtu-28 na si Dennis sa May 12 samantalang 19 pa lang si Jennica.

 

"Siguro naman!" bulalas ni Dennis. "Nasa story naman na mas older ang guy sa bidang babae. May mga friends akong nakapanood ng original Coffee Prince at sabi nila, bagay kay Jennica ang role ng babae," sagot ni Dennis.

 

 

 

Paano kung original story ang ibigay sa kanila?

 

"No problem sa akin," sabi niya. "Pagbubutihin ko kahit anong project ang ibigay sa akin. Excited ako, original man o adaptation ang material na ibigay sa akin."

 

OTHE PROJECTS. Tinapos din ni Dennis ang indie film na Astig , na produced ni Boy Abunda at ipalalabas sa 2009 Cinemalaya sa July. Kasama niya rito sina Glaiza de Castro, Paolo Paraiso, Jhong Hilario, Edgar Allan Guzman, at Sid Lucero, sa direksyon ni GB Sampedro.

 

"First indie film ko ang Astig at excited ako sa role kong gumagawa ng fake documents at kung anu-anong illegal na raket. Sa Quiapo kami nag-shooting, masaya!" kuwento ni Dennis.

 

Bukod sa Astig, gagawin din ni Dennis ang horror film na Tarot ng Regal Entertainment, opposite Marian Rivera. Halloween presentation ito to be directed by Jun Lana at balik-tambalan nila after Pamahiin (2006), noong bago pa lang si Marian, na incidentally ay alaga rin ng manager ni Dennis na si Popoy Caritativo.

 

May entry rin si Dennis sa 2009 Metro Manila Film Festival sa Regal pa rin, pero ipina-off-the-record muna ni Dennis at hindi pa yata ito ipinaaalam ni Mother Lily.

 

LENTEN DRAMA. Muli pang tumawag si Dennis sa PEP dahil nakalimutan niyang banggitin ang Lenten special nila ni Marian, ang Sugat ng Kahapon, na mapapanood sa April 11 (Black Saturday) sa GMA-7. Produced ito ng APT Entertainment, sa direction ni Mac Alejandre.

 

Gagampanan dito ni Dennis ang role ng mentally challenged na si Sonny, apo ni Lola Salve (Perla Bautista). Kapit-bahay nila ang battered wife na si Hilda (Marian) at ang husband nitong si Aldo (Gardo Versoza).

 

First time nilang gumawa ng drama ni Marian, kumusta ang trabaho nila?

 

"Isang araw lang naming ginawa ang Sugat ng Kahapon," banggit ni Dennis. "Nakatulong para mabilis ang trabaho na magaling si Direk Mac, maganda ang script ni Jun Lana, at magaling si Marian. Nakatrabaho ko na siya noong bago pa lang siya at nakita ko na ang potential niya. Mahusay siya sa drama at 'pag nanood kayo, makikita ninyong tama ang sinabi ko."

 

Pang-apat na beses nang magbida ni Dennis sa Lenten special ng APT Entertainment. Ibig sabihin, malaki ang tiwala sa kanya ng producer na si Mr. Tony Tuviera.

 

Una niyang ginawa ang Angel Villa (2004) at ginampanan niya ang role ni St. Rafael; sumunod ang Sa Kamay ng Diyos  (2005) na tungkol sa baha na marami ang namatay; pagkatapos ay ang Unico Hijo (2007) bilang transsexual na anak ni Eddie Garcia na nagka-AIDS.

 

"Fourth time ko na ito sa APT Entertainment, ang Sugat ng Kahapon, at isa na namang magandang istorya at may magandang aral ang mapapanood," sabi ni Dennis.





0 Comments
« Prev :

Back to top
Search

PEP.ph


Switch to Fullsite