Mismong ang comedian na si Bayani Agbayani ang nagbalita na kalilipat lang nila sa bahay na ipinagawa niya sa Tivoli Gardens Subdivision sa may Commonwealth Avenue, Quezon City. Ipinakita pa nga ni Bayani sa PEP ang mga litrato ng bago nilang bahay at proud na proud siyang sabihin na bunga ng pagiging masipag niya sa trabaho ang ipinagpatayo niya ng bahay na iyon.


"Mahirap pala magpatayo ng bahay!" natatawang sabi ni Bayani sa panayam sa kanya ng PEP sa pictorial ng Ligalig noong November 6 sa Scout Rallos, Quezon City. "Pero noong matapos na, ang sarap ng pakiramdam. Maganda kasi ‘yung location ng bahay namin. Halos wala pa kaming mga katabing bahay kaya kitang-kita mo ang mga bundok sa paligid. Tahimik ‘yung lugar at enjoy na enjoy ang mga anak ko."


Nang tanungin ng PEP kung magkano inabot ang pagpapatayo niya ng bahay, tumangging sumagot si Bayani. May halong patawa, sinabi nitong mahirap na raw at baka habulin siya ng Bureau of Internal Revenue.

Samantala, kasama na pala sa creative group for comedy shows ng ABS-CBN si Bayani. Ang ginagawa ng creative group ay nagko-conceptualize ng mga bagong pakulong programa, nagkokomento sa mga kasalukuyang shows nang mapataas pa ang ratings ng mga ito, at naghahanap ng mga bagong ideya na makakapagpatumba sa kabilang network.

Tuwang-tuwa nga ang comedian dahil mabibigyan na siya ng pagkakataon na makapag-contribute ng kanyang ideas sa Dos, na siyang naging tanging network niya.

"Noon pa naman, may mga isina-suggest na ako at nasusunod naman. Pero iba na ngayon kasi parang mahalaga na ang mga bawat i-suggest mo sa network," sabi ni Bayani. "Pagbubutihan ko ito para naman hindi ako mapahiya sa mga taong nagtiwala sa akin."

Ibinalita rin ni Bayani na may sisimulan siyang bagong sitcom sa ABS-CBN kasama sina Aga Muhlach at Roderick Paulate pagbalik niya galing sa Las Vegas kung saan nanoood siya ng November 19 boxing match nina Manny Pacquiao at Eric Morales.

Kasama ni Bayani sa Las Vegas ang kanyang misis na si Leng-Leng. Pagkakataon na rin daw nilang mag-asawa yun na magbakasyon na hindi kasama ang mga anak nila.

Kabilang naman si Bayani sa cast ng Ligalig, pinagbibidahan at idinirek ni Cesar Montano, na official entry ng CM Films para sa December Metro Manila Film Festival-Philippines 2006.