Ilang oras bago umere ang live telecast ng S-Files noong Linggo, January 7, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa cellphone ang comedian-TV host na si John Lapus. Ito ay kaugnay sa umano'y paninira sa kanya ng entertainment columnist-TV host na si Cristy Fermin.
Ayon kay John, nagsimula siyang tirahin ni Cristy at ng kaalyado nitong si Jobert Sucaldito pagkatapos niyang mag-guest sa radio show ni DJ Mo Twister na Good Times noong December 15. Magmula noon, kung anu-ano na raw paninira ang pinaggagawa ng dalawa kay John sa radio program nila at sa kanilang tabloid columns.
"After kong mag-guest kay DJ Mo, sunud-sunod na yun. According to my friends, Tita Cristy and Jobert made a promise na kung sino man ang magge-guest sa show ni Mo, lalaitin niya, ookrayin niya. Because hindi matanggap ni Ms. Cristy Fermin na sa kauna-unahang pagkakataon, sinabihan siya ni Mo Twister na 'stupid' siya. Hindi ko naman kasalanan yun, di ba?" simula ni John.
JOJO LAPUS. Sinabi rin ni John na di dapat inungkat pa ni Cristy ang tungkol sa kanyang ama, ang yumaong screenwriter na si Jojo Lapus. "Nakakalungkot lang na kailangan pa niyang i-bring up yung tatay ko. Hindi alam ni Tita Cristy ang mga pinagdaanan ko. Hindi niya alam ang mga pinagdaanan ng pamilya namin."
Patuloy niya, "Sabi niya, hindi raw kami close. Bakit niya nasasabi na masama ugali ko, wala akong kuwentang anak hanggang sa namatay ang tatay ko? Nakakakilabot. Pati pagkamatay ng tatay ko, bini-bring up niya."
Bilang sagot sa sariling tanong, sabi ng komedyante, "Wala na rin sigurong maipukol kaya kailangan niya akong tirahin nang ganun. Ang Ate ko at Nanay ko, nakikinig, nakakarating sa kanila. Nasasaktan siyempre pamilya ko. Gawing showbiz na lang ang tirahan. Laitin na ang damit ko, acting ko, pagho-host ko. Bakit ganun? Nalilito ang pamilya ko. Hindi kasi showbiz ang Ate ko, ang Nanay ko."
Hindi raw naniniwala si John sa mga sinasabi ni Cristy Fermin tungkol sa ama. "Totoo ba ang sinasabi ni Cristy Fermin na kaibigan niya ang tatay ko? Sasabihin ng tatay ko kay Tita Cristy na, ‘Huwag kang makialam, pamilya ko iyan'? Bago siya namayapa, nagkaayos kami."
Nagtataka rin si John kung bakit ganoon na lang daw ang galit ni Cristy sa kanya. "Paulit-ulit sinasabi ni Tita Cristy na wala akong kuwentang anak, hindi ako dapat suportahan ng publiko. Hindi ko alam kung saan nanggaling ‘yan. Saan nanggagaling yung bulalas ni Tita Cristy? Parang may sinaktan akong miyembro ng pamilya niya. Parang may personal akong galit sa kanya. Di ko alam kung saan galing."
THE CONFRONTATION. Kaugnay nito, noong madaling-araw ng January 6, Saturday, ay nagpang-abot ang kapatid at ina ni John at si Cristy.
Sa salaysay ni John, noong January 5 ng gabi ay first anniversary ng pag-aari niyang Grafitti Bar sa Esquinita, Sgt. Esguerra, Quezon City. Sa nasabing party ay naroon ang mga kaibigan, regular customers at pamilya ni John—kasama nga ang kanyang kapatid na si Malou at ang kanilang ina.
Samantala, sa second floor ng bar ni John ay matatagpuan ang Blue Without U Bar, na pag-aari naman ng comedienne na si Pokwang at ilang staff ng ABS-CBN, na mga kaibigan ni John. Nagkataong noong gabi ring yun ay may thanksgiving party sa Blue Without U ang The Buzz, kung saan isa sa hosts si Cristy Fermin.
Sinabihan daw si John ng kaibigan niyang si Louie Andrada, unit head sa ABS-CBN, na darating si Cristy sa party ng The Buzz.
"Sabi ko, 'And so?' Sabi ni Louie, ‘Wala yang inuurungan... Baka iskandaluhin ang ate mo, wag naman sana. Pinoprotektahan lang namin kasi host namin yun. Naiintindihan mo na yun.' Kinausap ko Nanay ko at Ate ko. Sabi ko, ‘Dadating si Tita Cristy, ‘wag nyo pansinin.'"
Nakita raw ni John na dumating si Cristy dahil ang hagdan paakyat sa Blue Without U Bar ay nasa tapat mismo ng Grafitti Bar. Parating si Cristy ay siya namang paalis na si John dahil may show siya sa Klownz Angeles. Sa madaling-salita, hindi nagpang-abot ang dalawa.
"Okay na," pagpapatuloy ni John. "Naayos na ang sitwasyon. Umalis na ako. Then, pagkatapos ng show ko, nakita ko yung text messages ko, ang dami—mga 15 messages yata yun! Less than two hours lang akong nawala, pero ang dami na palang nangyari. Pagbalik ko sa Grafitti, ikinuwento ng staff yung mga detalye."
Sa pagkukuwento ni John, ito ang nangyari: "Pagbaba raw ni Tita Cristy, na pinalilibutan ng mga staff niya, nandun ang Ate ko. Sinabi ng Ate ko, ‘Cristy Fermin, gusto kitang kausapin. Bakit mo tinitira kapatid ko? Wala siyang ginagawang masama sa iyo. Ano problema mo? Pati tatay kong namayapa na, binabalik mo. Hindi mo kami kilala."
Patuloy ni John, "Ang nanay ko, lalapit sana, makikipag-kamay kay Tita Cristy. May guy na nakaharang—staff yata ng The Buzz—hinawi yung kamay ng nanay ko. Nung nakita ng Ate ko yung nangyari, yung Ate ko, itinulak niya yung guy. Nasungitan ng Ate ko. Si Tita Cristy, natulak din, naipit siya sa wall. Mabilis lang yung pangyayari."
Nilinaw ni John na walang sampalang nangyari sa pagitan ng Ate niya at ni Cristy gaya mga naunang lumabas na reports.
Sinabi ni John na hindi niya masisisi ang kanyang kapatid at ina sa pagkumpronta ng mga ito kay Cristy.
Ani John, "Kung si Tita Cristy ay parang isang tunay na ina na nagtatanggol sa kanyang mga anak-anakan niya, ano pa kaya ang nanay at kapatid ko na talagang mga kadugo ko? Siyempre, ipagtatanggol nila ako."
MESSAGE TO CRISTY. Sa huli, nakikiusap si John kay Cristy na tigilan na nito ang paninira sa kanya.
"Tita Cristy, wala po akong atraso sa inyo. Kung nagagalit kayo dahil nag-guest ako sa show ni Mo Twister, pasensya na. Kaibigan ko yun. Kung iginaganti niyo yung mga anak-anakan nyo na nabanggit ko dun sa show, pasensya na po ulit. Nag-apologize na po ako sa mga taong ito. Kung natakot kayo ng Ate ko, pasensya na. Pasensya na, pinagtatanggol lang ako ng Ate ko. Nagtataka lang siya kung bakit niyo ito nagagawa sa akin.
"Tinitingala po kayo ng industriyang ito. Wag nyo na po akong laitin ng mga bagay na hindi totoo. Wag na kayong manawagan sa mga kasama nyong reporters na ligahin ako. Wag kayong manawagan sa mga producers na ‘wag na akong kunin. May pamilya po akong sinusuportahan. Nagtatrabaho lang po ako dito.
"Wag na po kayong manawagan sa mga tao na ‘wag nang pumunta sa bar ko. May staff po ako, may mga asawa't anak. Maawa po kayo sa kanila. Ang nanay ko po, na-high blood na nang mabasa't mapakinggan ang mga panlalait niyo sa akin. Ina din kayo. Sa mga anak-anakan n'yo nga nasasaktan din kayo.
"Tama na. Wag nyo naman po akong tapakan. Yun lang."
