Pinabulaanan nina Cristy Fermin at Jobert Sucaldito ang mga pahayag ni John Lapus sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at sa S-Files kaugnay ng panunugod diumano ng kanyang ina at kapatid na babae kay Cristy.
Nagsimula ang sigalot sa pagitan ng tatlo nang mag-guest si John sa radio program ni DJ Mo Twister noong December 15. Sa "Forbidden Questions" segment ng Good Times ni DJ Mo ay tinanong si John kung sino ang pipiliin niyang matanggal sa hosts ng The Buzz kung saka-sakaling may kapangyarihan siyang gawin ito. Si Jobert ang isinagot ni John.
Dahil dito ay nag-react si Jobert, at matapos ay ipinagtanggol din siya ng kaibigan at kasamahan niya sa The Buzz na si Cristy. Dito na nagsimula ang "pagtatanggol" ng dalawa sa kanilang radio program sa DZMM at sa kanilang tabloid columns laban kay John.
Noong Biyernes, January 5, ay nagkaroon ng post-Christmas party ang The Buzz sa Blue Without U Bar—pag-aari ng komedyanang si Pokwang at ilang staff ng ABS-CBN—sa second floor ng Esquinita, Sgt. Esguerra, Quezon City. Sa baba ng Blue Without U Bar ay matatagpuan ang Grafitti Bar na pag-aari naman ni John. Noong gabi ding yun ay nagdiriwang naman ng first anniversary ang bar ni John.
(Ang hagdan patungo sa Blue Without U ay nasa harapan mismo ng Grafitti kaya nakikita lahat ng nasa bar ni John ang umaakyat patungo sa bar ni Pokwang.)
Kasama ni John sa celebration ng first anniversary ng Grafitti Bar ang kanyang ina at kapatid. Si Cristy naman ay natural lang na pumunta sa party ng The Buzz dahil host siya rito.
Hindi nagpang-abot sina John at Cristy dahil nagkataong may show si John sa Klownz Angeles nung gabing yun. Ang nagkita ay si Cristy at ang ina at kapatid ni John.
JOBERT SUCALDITO. Ayon sa salaysay ni Jobert—na kasama ni Cristy sa party that night—tinawagan daw siya ni Kris Aquino (co-host nila sa The Buzz) dahil may nakapagsabi raw sa actress-TV host na nandun sa lugar ang pamilya ni John at inaabangan ng mga ito sina Jobert at Cristy. Sabi rin ni Jobert, sinabihan ni Kris silang dalawa ni Cristy na mag-ingat.
Pagdating daw ni Jobert ay nandun na sa ibaba ang pamilya ni John na "nakatambay sa harap" ng Grafitti. Nakita rin daw ni Jobert sa isang area ng Grafitti "na may nagsusugal na mga kalalakihan at nandun nga ang ina at kapatid ni John."
Kuwento pa ni Jobert, natapos ang post-Christmas party ng The Buzz bandang 1:30 a.m. ng January 6. Nang bumaba na sila, bigla raw "sinugod" ng ina at Ate Malou ni John si Cristy.
Pero hindi raw nakalapit ang mga ito nang husto dahil nakaharang ang bodyguards ni Cristy. Sinabi ni Jobert na "pilit kinakabig ng ina at kapatid ni John ang kamay ng bodyguard dahil nagpo-provoke sila ng away kay Tita Cristy," pero hindi nila nalapitan ang female TV host hanggang sa makalabas na ito.
Ayon kay Jobert, "Imagine the scenario. Masikip na daanan na maraming tao pero, of course, well-protected si Nanay Cristy that moment. Yung mga nagsusugal na kalalakihan ay hindi na namin napansin. Yung nanay at kapatid na babae ni John at mga blonde ang buhok na hindi naman mukhang mestiza—mukha silang
pasosyal na palengkera!"
Idinagdag ni Jobert na hindi raw malalaman ng pamilya ni John na nandun sila ni Cristy "kung hindi sinabi ni John" sa kanila.
CRISTY'S VERSION. Samantala, nagpahayag din si Cristy ng kanyang panig tungkol sa mga pangyayari at sa sinabi ni John. Ayon sa kanya, "binaligtad ni John" ang lahat ng pangyayari.
Ani Cristy, "Hindi kami nagagalit, ang totoo ay gulat na gulat kami. Hindi namin lubos-maisip kung paanong nakayang baligtarin ni John ang isang senaryong sinaksihan ng napakaraming tao. Walang naganap na anumang girian kaya paano nagawang mag-imbento ni John ng senaryong malayo naman sa katotohanan?"
Dagdag pa ng beteranang reporter, "Pinalabas niya na nanginginig daw kami sa takot nung kumprontahin ng kanyang ina at kapatid, pero ang totoo ay hindi pa nga kumprontasyon ang ginawa nila. Tumaas lang ang kanilang mga boses."
Kuwento niya, "Walang natakot, walang naitulak sa pader, walang nasaktan, walang sagutang naganap dahil wala pang isang minuto ang kaganapang yun. Pero ang pinalabas ni John sa kanyang paglilitanya sa telebisyon ay naginginig daw kami sa takot. Saan ko ikukulong ang takot sa isang napakabilis na pangyayari na wala namang pumatol sa ginawang pangpro-provoke ng kanyang ina at kapatid?"
Tanong pa ni Cristy, "At paano kami maisasalya sa pader ng mag-ina? Pababayaan ba naman naming mangyari ang ganun? Pababayaan din ba naman kami ng aming mga kasamahan sa The Buzz? Nananaginip na yata nang gising si John. Nagpapagutom ba ngayon ang komedyanteng ito?
"Kunwari ay nagmamalasakit siya sa pagsasabing wala raw kaming dapat ikatakot dahil hindi naman kami sasaktan ng kanyang ina at kapatid. Ang bulate ay ginawa ng ahas ni John para lang siya matutukan ng kamera ng telebisyon."
Sa huli, mariing pahayag ni Cristy, "Grabe pala talaga ang pagkasinungaling ng baklang ‘to!"
Samantala, habang isinusulat ito ay nasa ICU (Intensive Care Unit) pa rin ang mahigit 80-anyos na ina ni Cristy dahil sa hindi matukoy na karamdaman.
