Kalat na kalat na sa Internet ang balitang nagpadala diumano ng internal memorandum ang ABS-CBN sa The Buzz co-hosts na sina Cristy Fermin at Jobert Sucaldito. Ayon sa report, ang memo ay kaugnay diumano sa reaksiyon ng advertisers sa mga tirada nina Cristy at Jobert laban sa ilang celebrities.
Pati raw ang mga boss nina Cristy at Jobert sa DZMM, kung saan sila may radio program, ay pinagsabihan daw silang huwag gamitin ang airtime ng show para manira ng mga artista.
Tinawagan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang Corporate PR ng ABS-CBN upang kumpirmahin kung may inisyu ngang memo ang management ng Kapamilya Network kina Jobert at Cristy. Ayon sa nakausap namin, wala raw katotohanan na naglabas ng memo ang ABS-CBN kaugnay ng isyung kinasasangkutan ng co-hosts ng The Buzz.
Hiningi rin ng PEP ang panig ni Jobert sa nasabing isyu at sinabi niyang wala naman daw silang natatanggap na memo ni Cristy.
"Bakit daw kami bibigyan ng memo? Dahil ba kay John Lapus? Bakit, powerful ba siya para maisyuhan kami ng memo ng mga bosses namin sa ABS-CBN?" sagot ni Jobert nang makausap namin sa telepono kahapon, January 11.
"Hindi totoo na binigyan kami ng memo. Wala kaming natanggap na memo. Ayaw na lang namin siyang [John] patulan. Kaya lang naman nagsalita si Tita Cristy noong Sunday [January 7] sa ending ng The Buzz ay para sagutin ang mga sinabi ni John who was interviewed live on S-Files," sabi pa ni Jobert.
Hindi na raw sila sasagot sa anumang sasabihin ni John.
Ayon sa Internet, sinabi raw ni John na "nanginginig daw sa takot si Tita Cristy" nang kumprontahin ng kanyang ina at kapatid sa Esquinita—kung saan located ang Grafitti Bar na pag-aari ni John—noong madaling-araw ng January 6, Sabado. First anniversary kasi ng Grafitti Bar nuon, at nagkataon namang may post-Christmas party that night ang The Buzz sa Blue Without U Bar, na nasa itaas lang ng bar ni John.
Ngunit sa pakikipanayam ng PEP kay John Lapus sa telepono nuong gabi ng January 6, walang sinabing ganoon si John tungkol kay Cristy. Naibalita nga rito sa PEP ang kabuuan ng istorya mula sa pananaw ni John, at hanggang inisan lang sina Cristy at ang pamilya ni John.
Ayon pa sa tsika sa Internet, pati raw diumano sina Boy Abunda at Kris Aquino ay pinagsabihan sina Jobert at Cristy na huwag nang magsalita about John at pati na kay DJ Mo Twister.
Matatandaang sa radio show ni DJ Mo nagsimula ang alitang Cristy vs. John. Sa "Forbidden Questions" segment kasi ng Good Times ni DJ Mo ay "Jobert" ang isinagot ni John sa tanong na: Sino sa hosts ng The Buzz ang tatanggalin mo kung may kapangyarihan kang gawin ito?
Bunsod nito ay nag-react si Jobert at pumasok din sa eksena si Cristy, na katrabaho ni Jobert sa radyo, TV, at tabloid.
Dahil daw sa paninira nina Jobert at Cristy, nag-backfire diumano ito sa kanilang programa. Apat na linggo na raw tinatalo ng S-Files ang The Buzz sa ratings. Kahit na maliit na margin lang daw ang agwat ng dalawang programa ay pinagsabihan diumano sina Jobert at Cristy ng management ng ABS-CBN na tigilan na ang paninira dahil nga nagre-react na raw ang mga advertisers.
Pero sabi ni Jobert, hindi totoo ito. Desisyon nila ni Cristy na huwag nang magsalita dahil nagugustuhan lang daw ni John na pinag-uusapan siya.
"Nagkakaroon siya ng libreng publicity kaya ‘wag na lang siyang pag-usapan," pagwawakas ni Jobert.