Sunud-sunod ang mga sorpresa na dumarating sa buhay ng Pinoy Dream Academy (PDA) Grand Dreamer na si Yeng Constantino. Nitong nakaraang Friday, January 12, ay ipinakita na sa 18-year-old singer ang kanyang napanalunang condominium unit sa Globe Asiatique na located sa Mandaluyong.
Nandoon ang president ng Globe Asiatique na si Delfin S. Lee para personal na ipakita kay Yeng ang kanyang napanalunang fully-furnished, 3-bedroom condo unit. Tamang-tama raw ang pagbibigay kay Yeng ng naturang condo dahil nagkataong ipapa-renovate nila ang kanilang bahay sa Rizal.
Naibalita ngang naroon sa turnover ceremony sina Mr. Lee at ang kanyang maybahay, si Yeng at ang pamilya nito, at ang TV crew na nagri-rekord ng mga pangyayari. Dahil hindi pa tapos na tapos ang unit na laan para kay Yeng, ipinakita muna kay Yeng ni Mr. Lee ang model unit ng building. Sa laking tuwa ng dalaga, pinuri niya ito at sinabing gustong-gusto niya.
Siya namang sabi ni Mr. Lee na kanya na ang model unit, na tinawag ngang "model" dahil mas matataas ang kalidad ng mga muebles at appliances nito bilang pang-akit sa potential unit buyers. Ito na lang daw ang ibibigay kay Yeng imbis na iyong nasa 22nd floor.
Overwhelmed si Yeng, napaiyak, at yumakap kay Mr. Lee habang nagpapasalamat. Overwhelmed din ang pamilya ni Yeng at tuloy ay di nakapagsalita. Nang tanungin ng TV reporter kung bakit naisipan ni Mr. Lee ang switch, simple lang ang sagot nito, "E ito ang gusto niya e, di ito na." Located sa 27th floor ng Globe Asiatique ang condo unit ni Yeng.
Tamang-tama lang para sa singer-composer ang naturang unit dahil malapit ang location nito sa mga magiging trabaho niya sa mga darating na buwan. Malamang daw ay makasama niya sa naturang unit pansamantala ang kanyang parents na sina Joselito at Susan Constantino.
Kuwento ni Yeng, "Bunso kasi ako kaya gusto rin nila na nababantayan nila ako. Pero pansamantala lang daw kasi malayo rin ito sa trabaho ni Papa sa Ateneo de Manila University, kung saan librarian siya. Si Mama naman, okay lang sa kanya na nandito siya para may mag-asikaso raw sa akin. Pero once na maayos na ang lumang bahay namin, babalik sila sa Rizal."
Kasabay ng paglipat ni Yeng sa kanyang bagong bahay ay nakuha rin niya ang sasakyang napanalunan niya mula sa PDA. Isa itong Silver Suzuki APV na 8-seater family car.
"Tamang-tama rin yung sasakyan kasi malaki kaming pamilya, di ba? Magagamit naming lahat 'yan kapag namamasyal kami, at isasama ko rin sila sa mga raket ko kasi malaki na ang sasakyan naming lahat," masayang sabi ni Yeng.
Kung tutuusin ay masyadong mabilis ang lahat ng pangyayari sa buhay ni Yeng. Sa edad niyang 18 years old, matatawag na siyang milyonarya dahil bukod sa bahay at sasakyan ay parte rin ng kanyang premyo bilang PDA Grand Star Dreamer ay ang one million peso cash—na dahil sa 20 percent tax ay naging P800,000 na lang.
Dagdag pa rito ang magandang career ni Yeng bilang singer at songwriter. Sa katunayan ay ilu-launch na ang kanyang debut album mamaya, January 14, sa ASAP. Tapos ay may hit single pa siyang "Hawak-Kamay" na nanalo rin bilang best movie theme song sa 2006 Metro Manila Film Festival para sa pelikulang Kasal Kasali Kasalo.
May iba pa bang hiling si Yeng?
"Opo naman, marami pa. Gusto kong makatapos pa rin ng pag-aaral ko. High school pa lang kasi ang natatapos ko. Gusto ko ring makatapos ng college degree. Siguro kapag nasa tamang oras na ay magagawa ko 'yon," pag-aasam pa ni Yeng.
"Ngayon kasi, ang opportunity na ito na ibinigay ng Diyos sa akin ang pagbubutihan ko. I want to write more songs para sa maraming tao. Gusto kong i-share ang aking talent sa lahat. At gusto kong iparating sa mga mahilig mangarap na dreams do come true basta determinado ka at may paniniwala ka sa sarili mo at sa Maykapal," pagtatapos niya.
