Hinarap ng comedienne-TV host na si Gladys Guevarra ang lahat ng mga intriga kaugnay ng pagre-resign niya sa number one noontime show na Eat Bulaga! sa live interview sa kanya ng Startalk last January 13. Nagkataong ang nag-interview sa kanya nung hapong 'yon ay ang kanyang dating kasamahan sa Eat Bulaga! na si Joey de Leon.
Idiniin ni Gladys na "health reasons" ang dahilan ng kanyang pag-alis sa Eat Bulaga! Problema raw sa kanyang likod at pagtatrabaho araw-araw ang tunay na dahilan, at hindi ang nababalitang relasyon diumano nila ni Janno Gibbs, na kasama rin ni Gladys sa naturang programa.
"Ang aking kalusugan, iyan talaga. Ayoko namang maging pabigat sa show, sa Eat Bulaga!... Na hindi ako puwedeng mahulog dahil yung likod ko, hindi ako puwedeng magsasasayaw dahil yung likod ko, hindi ako magpa-harness kasi yung likod ko," panimulang pahayag ni Gladys.
"Wala namang special treatment sa Eat Bulaga!... Ayokong maging pabigat sa show na kung may ipapagawa sa akin, gawa ako nang gawa ng excuse para hindi ko... Baka ang sabihin, ang babaw-babaw e," dagdag niya.
MAGIC KAMISON. Tinanong din siya ni Joey kung bakit mas pinili ni Gladys ang Magic Kamison—ang bagong show na pagbibidahan ng comedienne sa GMA-7—over Eat Bulaga!, samantalang mas mahabang oras daw ang gugugulin niya rito kesa sa noontime show.
"'Yung every day, dun ako nahihirapan," paliwanag niya.
"Nung in-offer po sa akin ang Magic Kamison, nasa Eat Bulaga! pa po ako. At nung time po na ino-ohan namin iyan, nasa Eat Bulaga! pa rin ako. Nagkataon lang na nung nag-start na, eto, nagpaalam ako," sabi pa niya.
Itinanggi rin ni Gladys ang balitang buntis siya kaya siya umalis sa noontime show.
"Ay, hindi! It's not true... Ang sexy ko ho!" may halong biro niyang sabi, sabay tayo para ipakita ang hubog ng kanyang katawan.
JANNO GIBBS. Nang usisain ni Joey kung tungkol sa "problema sa pag-ibig" ang tunay na dahilan ni Gladys sa Eat Bulaga!, mariin itong pinabulaan ng comedienne.
"Wala! Kasi lumabas na sa lahat ng diyaryo ‘yan... Yun nga ang ibinibintang na kaya raw ako nagpaalam sa Bulaga dahil kay Janno. Hindi dahil kay Janno," mariin niyang pahayag.
Tinanong ni Joey si Gladys kung walang namagitan sa kanilang dalawa ni Janno.
"Wala. Wala namang love, friends lang," tugon niya.
"Di ba nagsho-show kami? Isang taon din mahigit iyan na nag-tandem kami ni Janno sa mga Klownz at Zirkoh. Ang sweet kasi niyang si Janno, di ba? Yung mga tawag niya, yung mga text, ganyan. Nagtatanungan kami kung ano gagawin sa show," natatawang sabi pa ni Gladys.
Sa kabila nito, inamin ni Gladys na wala silang komunikasyon ngayon ni Janno.
"Hindi kami nag-uusap ni Janno. Wala naman kaming pag-uusapan e. Hindi na kami nagsho-show," sabi niya.
Nagbigay rin ng reaksiyon si Gladys sa relasyon nila ngayon ng estranged wife ni Janno na si Bing Loyzaga.
"Okay kami ni Bing. As a matter of fact, nag-text siya kanina sa akin—mga Bible quotes," sabi niya.
Nilinaw rin ni Gladys ang balitang sinugod niya ang EB Babes member na si Lian dahil sa pagkaka-link nito kay Janno.
"Isa pa iyan. Lumabas din sa diyaryo na kaya po ako umalis sa Eat Bulaga! dahil sinugod ko po yung isang EB Babe—si Lian. Hindi po totoo na sinugod ko si Lian," aniya.
EAT BULAGA! FAMILY. Hiningan din ni Joey ng pahayag si Gladys sa isinulat ng entertainment columnist na si Ricky Lo na may isa raw co-host ng Eat Bulaga! ang nagsabing hindi raw kawalan si Gladys sa show.
"Hindi ko nga alam kung sino yun. Lahat naman sa Bulaga nakasundo ko. Magmula sa pinakamatatagal nang hosts hanggang sa mga nagsisimula pa lang ngayon, naging kaibigan ko 'yan. Yun lang ang lilinawin ko, kasi akala nila may nakaaway ako sa Bulaga kaya ako umalis. Alam kong walang magsasabi nun," sabi ni Gladys.
"Pero ako naman, hindi ko naman hinahanap yung kawalan ako o hindi e. Alam ko na iyang Eat Bulaga!, ke nandiyan ako o hindi... Institusyon iyan e," naiiyak na sabi pa niya.
Tinanong din si Gladys kung sino ang nami-miss niya sa Eat Bulaga!
"Lahat. Walang kaplastikan, lahat kayo nami-miss ko. Kung makikita niyo kami sa loob, ang saya-saya namin. Para kaming isang bahay 'tapos ang gugulo naming magkakapatid. Wala kaming ginawa dun kundi kumain, magtsikahan, magtsismisan," naiiyak niyang sabi.
"Napakalaking katanungan ng lahat bakit ako umalis ng Bulaga. Ihiwalay ko muna yung pakiramdam ng buong pamilya kami dun, sobrang close naming lahat... Ang iniisip ko po kasi ngayon, trabaho ito e. Kahit saang trabaho naman natin, puwede naman tayong mag-resign. Trabaho lang," dagdag pa niya.
Hindi na rin pinalagpas ni Joey ang pagkakataon na tanungin siya kung nanaisin nitong bumalik sa Eat Bulaga!
"Pababalikin n'yo ba ako? Siyempre naman, anim na taon naman naging bahay ko ‘yan," palambing na sagot ni Gladys.