Mariing pinabulaanan ng manager ng young actor na si Vivo Ouano ang lumabas na balita tungkol sa StarStruck Batch 3 Avenger. Ayon sa balita, may nakakita raw kay Vivo sa isang bar sa Tomas Morato, Quezon City, na lasing na lasing at may kasamang isang bakla.
Inamin ni John Fontanilla, talent manager ni Vivo, na totoong nasa Decades Bar—hindi sa Formula Bar tulad ng unang lumabas na balita—ang kanyang alaga a few nights ago. May dinaluhan daw na birthday party ang young actor kasama ang kanyang mga kaibigan.
Sinabi ni John na totoong may bading sa grupo nila Vivo. Pero nilinaw niya na ang gay na namataang kasama diumano ng young actor ay kasama ng isang kaibigang babae ni Vivo na non-showbiz. Hindi raw mismo si Vivo ang kasama nito.
Tungkol naman sa isyung lasing na lasing si Vivo, inamin ng kanyang manager na uminom sa birthday party ang young actor.
"Birthday nga kasi nung isang kaibigan niya, pero hindi naman siya naglasing. Hindi naman lasenggero yun," pagtatanggol pa ni John nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa telepono kagabi, January 16.
"Madalas ko nga siyang pagsabihan na maging maingat sa pagpunta kung saan-saan para hindi siya natsitsismis. Nakikinig naman siya. Bihira ngang gumimik yun, pero ‘ayun na nga, naintriga pa rin," dagdag ni Jun.
May insinuation din sa lumabas na balita na may gay benefactor diumano si Vivo—isang very rich non-showbiz gay raw. Muli, pinabulaanan ito ng manager ng young actor.
"Naku, ang dami na ngang nanliligaw na bading diyan kay Vivo! Pero hindi talaga siya ano sa mga ganun... Hindi siya papatol. Para saan?" pagtatanggol ulit ni Jun.
"Mabait si Vivo sa mga gays. Palakaibigan siya at hindi siya homophobic. Pero never siyang papatol kapag pakikipag-relasyon na ang pinag-uusapan. May mga nag-o-offer na nga diyan ng kung anu-ano, pero ayaw talaga niya. Deadma siya sa ganyang sistema," sabi pa niya.
Ayon pa kay Jun, may nag-offer na pala dati kay Vivo ng kotse at house and lot, makipagrelasyon lang ito sa bading. Pero tinanggihan daw ito ng guwapong teen star.
Sa pagkakaalam pa ng PEP, maykaya ang pamilya nina Vivo kaya hindi nito kailangang kumapit sa patalim. Isa pa, hindi naman siya nawawalan ng mga projects sa telebisyon, lalung-lalo na ang mga raket sa mga provincial/out-of town shows at mall events. At panghuli, kung ayaw ng tao, ayaw.
