"Patawa lang yon sa mga tao e. May iba naman akong mga ginagawa, like singing and dancing. Siyempre, may konting audience participation, pa-game, ganun," says Jaycee Parkey about giving body shots to male comedy-bar customers Photo: Noel Orsal

 

Hindi kami makapaniwala na si Jaycee Parker ang napanood namin two weeks ago sa Punchline. Ang naabutan kasi naming eksena ay aliw na aliw ang miyembro ng Viva Hot Babe habang nakikipag-body shot sa ilang kalalakihan sa may audience.

 

Ang "body shot" ay isang uri ng pag-inom ng alak, partikular ang tequila, kung saan ang asin ay inilalagay sa isang bahagi ng katawan at dinidilaan naman ng kainuman nito.

 

Nang makapanayam namin si Jaycee sa premiere night ng Agent X44 nuong January 16 ay inusisa namin siya sa aming nasaksihan sa Punchline. Totoo bang dahil wala na siyang mga proyekto at nabuwag na ang Viva Hot Babes kaya nagtitiyaga na lang siya ngayon sa mga comedy bars?

 

Nilinaw ng sexy actress na hindi pa nabubuwag ang kinabibilangan niyang all-female group na Viva Hot Babes. Sa katunayan nga raw ay may reunion sila sa February 10 sa Metro Bar. Bukod dito ay mayroon pa rin daw silang mga out-of-town shows.

 

"Yung sinasabi mong nakita mo ako sa Punchline na nagpapa-body shot, raket ko lang yun. Siyempre, lahat naman kami ay rumaraket. Hindi naman kailangan na magsama-sama kami palagi. Each one of us ay may kanya-kanyang individuality. So kung may talent ka sa pagpapatawa, magpatawa ka," paliwanag ni Jaycee.



"Wala akong exact date sa Punchline, pero at least once or twice a week ako dun. Yung sinasabi mong body shot contest, patawa lang yon sa mga tao e. May iba naman akong mga ginagawa, like singing and dancing. Siyempre, may konting audience participation, pa-game, ganun" dagdag pa niya.

 

Hindi ba siya nag-aalala sa iisipin ng ibang tao na kaya siya nagku-comedy bar ngayon ay dahil palaos na siya?

 

"Ay, sorry po, may next movie ako! May movie pa akong gagawin, dalawa pa! So hintayin na lang nila. Mayroon akong Twinkle, Twinkle at saka Pauwi Na," pagmamalaki pa ni Jaycee.

 

Pinabulaanan din ni Jaycee ang paulit-uli na balitang hiwalay na sila ng boyfriend niyang si Danilo Barrios.

 

"Hindi pa kami naghihiwalay actually. May balita, but we never separated. Tampuhan lang. Wala namang selos, nagtatampo lang. Kulitan, ganun," paliwanag ng sexy actress.

 

Inamin ni Jaycee na napag-uusapan na nila ni Danilo ang kasal. Pero wala pa raw silang konkretong plano tungkol dito.

 

Iginiit din ng sexy actress ang hindi matapus-tapos na intriga na nabuntis siya at nanganak.

 

"Ganun naman talaga. Kapag nawawala sa limelight ang isang artista ay sinasabing nabuntis ito at nanganak. Mukha ba akong nagkaanak? Tingin lang sa katawan ko..." natatawa niyang pahayag.

 

Kinumusta rin namin sa sexy actress ang kanyang ina na si Rowena Ruiz, dati ring artista, na kasalukuyang nasa Calamba Provincial Jail dahil sa pagkakasangkot nito sa illegal drugs. Nung una ay tumanggi si Jaycee na sagutin ito, pero nagbigay rin siya ng pahayag later on.



"Nandoon pa rin siya [sa kulungan]. Wala akong ideya kung kailan siya makakalaya kasi medyo baka ... pinakamababang hatol sa kanya, life 'ata," seryosong sagot ni Jaycee.