Hindi pinagsisisihan ng sexy actor na si Luis Alandy ang ginawa niyang pagge-guest sa Good Times radio program ni Mo Twister. Sa kabila nito, nagpakumbaba at humingi pa rin siya ng tawad sa model-TV host na si Kat Alano.
Ginawa ng Luis ang kanyang public apology sa S-Files noong Linggo, January 21.
"I am the type of person who doesn't really regret anything. Ginawa ko yun e. Whatever na gawin ko, kailangan kong panindigan. It was very improper of me and very ungentleman of me to say their names. People whom I loved and are my friends in show business. I ask apology from them. Maraming nasaktan e. I didn't say anything libelous naman," seryosong sabi ni Luis.
"I have to be responsible whatever it is na sinabi ko. Nakakarinig naman ako ng some questions na tinatanong niya. Alam ko naman yung repercussions na pwedeng mangyari after," aniya pa.
Sa guesting kasi ni Luis sa radio show ni DJ Mo noong January 17, binanggit ni Luis ang pangalan ni Kat nang tanungin siya kung sino na ang mga nakasiping niya sa show business.
Naka-perfect score na 40 nga si Luis, pero malaki ang naging kabayaran nito. Matapos ang kanyang guesting, balak nang maghain ng kasong libelo ang kampo ni Kat.
"Maybe I was brave enough to join. Siguro gusto ko ring malaman yung feeling. In a way, I was a fool," sabi ni Luis tungkol sa pagge-guest niya sa controversial radio program.
Halos lahat ng mga celebrities na umuupo sa "Forbidden Questions" segment ng Good Times ay napapahamak sa kapwa artista at sa mga kampo-kampo ng mga ito. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagge-guest ng ilang celebrities dito.
Bilang pangwakas, humingi ng paumanhin si Luis kay Kat.
"I'm sorry dahil nabanggit ko name mo. Sorry sa iyo, sa family mo, sa fans mo. I hope this will be settled in a good way," sabi niya.
Si Luis ay mina-manage ni Arnold Vegafria at si Kat ay mina-manage ni June Torrejon. Ang dalawa ay magkasama sa PAMI (Professional Artists Management Inc), kung saan presidente si June.