Malaking hamon para kay Jopay Paguia ang role na ibinigay sa kanya sa 14th season ng Daisy Siete na may pinamagatang "Siete Siete, Mano Mano."
Sa bagong season ay kay Jopay na naka-focus ang istorya, unlike sa mga past Daisy Siete seasons na si Rochelle Pangilinan ang pinakabida. Ang nakatutuwa pa, gaganap na mother ni Jopay si Rochelle na lalabas sa pamamagitan ng flashbacks.
Natural lang daw na matuwa si Jopay dahil malaking challenge para sa kanya ang bagong season ng show. Noon pa naman daw ay nabibigyan na siya ng magagandang roles, pero mas malaki ngayon kaya kinakabahan din siya.
"Noong sabihin sa akin na gano'n ang magiging role ko, kinakabahan ako kasi alam kong malaki ang expectations nila Ate Joy [Cancio] at Direk Pat [Perez] sa akin. Na dapat lang siguro na maabot ko ang mga nagawa na ni Ate Rochelle sa mga nakaraang seasons ng Daisy Siete," nakangiting sabi ng magandang dalaga.
"Pinaghandaan ko naman ang role at mas mahirap ngayon kasi boxing na ang pinakatema namin. Hindi pa naman ako nakukunan ng mga boxing scenes kasi inuna na muna ang kina Ate Rochelle. Binibiro ko na nga siya na hindi ko na siya Ate Rochelle kundi 'nanay' ko na siya!" tawa pa ni Jopay.
Sa panig naman ni Rochelle, sinabi nitong masaya siya at nabibigyan na ng big break ang mga kasama niya sa SexBomb. Gusto kasi ni Rochelle na bigyan ng chance ang iba at hindi na lang parati siya.
"Dito kasi ay ibang-iba ako. Kontrabida ako rito at ipapakita ‘yon sa mga flashbacks. Pumayag naman ang Focus E at GMA-7 na mabigyan ako ng ganitong klaseng role. Para maiba naman at masubukan ang kakayanan ko bilang artista. Sinabi ko naman kay Jopay na kaya niya ‘yan at
nakasuporta ako sa kanya all the way," sabi ni Rochelle.
Bukod sa iba pang SexBomb Girls, kasama rin sa 14th season ng Daisy Siete sina Jordan Herrera, Marcus Madrigal, William Martinez, Emilio Garcia, at Owen Rivera. Magsisimula itong ipalabas sa January 29 sa Dramarama Sa Hapon ng GMA-7.
