Mga isang buwan mahigit na mula nang lumabas ang balitang nasa "stage IV"—pinakamalalang stage—na ang bone cancer ng ina ni Regine Tolentino na si Regina Maristela. Pero ang totoo pala'y noong October 2006 pa na-diagnose na may ganung karamdaman si Mrs. Maristela.
Sa ngayon ay sumasailalim na sa chemotheraphy ang ina ni Regine, bukod pa ito sa pag-inom ng cancer medication. Ito ang dahilan kung kaya't medyo nagbabawas muna ng showbiz load ang host-dancer to take care of her mom.
"It's a good realization for me to know ‘coz I saw her new self. I'm proud of her dahil tanggap niya ang sakit niya at lumalaban siya," nakangiting sabi ni Regine.
Although may dance instructional video na pinu-promote ngayon si Regine, ipagpapaliban muna niya ang matagal nang naudlot na dance concert niya at iba pang plans for her career.
Kung ano pa ang mga detalye ng kalagayan ng mom ni Regine ay hindi na nagsabi pa ang sexy TV personality. Hinihiling na lang nito ang anumang dasal na maibibigay ng kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan sa industriya.