Marami ang nagpipilit kay Vina Morales na gawin niyang special guest sa Showgirl: The Repeat concert niya ang kanyang mga naging ex-boyfriends, gaya nina Robin Padilla at Keempee de Leon, na marunong namang magsikanta.
Natatawa na lang si Vina at sinabing pag-iisipan niya ang hiling na ito ng mga reporters sa press con ng Showgirl concert last Friday, January 26. Baka raw kapag nagkaroon ng repeat ulit ang Showgirl ay ma-consider niya ito.
"May mga nagsasabi na sa akin ng ganyan kasi cute daw sigurong panoorin. Sa akin, okay lang naman kasi both Robin and Keempee have been my friends. Walang magiging problema sa akin. Puwede namang pag-isipan silang isali kapag may repeat ulit siguro," nakangiting pahayag ni Vina.
Sa ngayon kasi ay nananatili ang naunang concept ng Showgirl sa repeat nito. May madadagdag lang at may mga matatanggal, gaya ng portion ni Jay-R.
"Decision kasi ‘yon ng producer. I don't know kung bakit si Jay-R lang ang tinanggal sa concept ng Showgirl. Siguro ang mga producers na lang ang tanungin ninyo. Kasi as far as me and Jay-R are concerned, wala kaming problema," paliwanag pa ng multi-talented actress.
Tinaguriang "Best Concert of 2006" ang Showgirl kaya naman mas papagandahin pa raw nila ang repeat nito. Ayon kay Vina ay mas magaganda ang mga dance moves niya dahil na-inspire siya after mapanood ang Confessions concert ni Madonna sa USA last year.
"It's basically the same show, pero mas fabulous ang mga costumes, mas maganda ang set, pati na ang choreography. May mga bago akong dance numbers dito na ngayon ko lang gagawin na wala sa unang Showgirl," excited na sabi ni Vina.
Ibinalita rin ni Vina na may ilu-launch siyang sariling makeup line this year. Ayaw pa niyang sabihin ang name dahil baka raw may umagaw nito at nasa gitna pa lang sila ng negotiations.
"My name will be on the makeup brand for sure. Siguro una ko muna itong ibebenta sa mga branches ng Ystilo Salon. Kapag nag-click, doon ko na pag-iisipan na ialok ito sa mga malalaking malls," sabi niya.
Sa February 24 na ang Showgirl: The Repeat, na produced ng Live Artist Productions at Sesame Seed Creatives, Inc. Mula ito sa direksyon ni Floy Quintos at mga special guests ni Vina sina Ogie Alcasid, G-Force Dancers, XJV International Performing Artists, at Ai-Ai delas Alas.
For tickets, available na ito sa Araneta Coliseum box-office at sa lahat ng SM Ticketnet.
