"Magkaibigan kami ni Mark at walang inggitan kung anuman ang narating ng isa sa amin," says Rainier Castillo (right). Photo: Noel Orsal


Walang nararamdamang inggit si Rainier Castillo sa tinatamasang tagumpay ngayon ng kanyang batchmate sa kauna-unahang StarStruck na si Mark Herras. Si Mark ang itinanghal na Ultimate Male Survivor samantalang si Rainier naman ang naging runner-up.

 

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Rainier sa taping ng Hokus Pokus sa Filmex studio, Makati, sinabi nitong natutuwa siya sa success na tinatamasa ngayon ng kaibigan niyang si Mark. Naniniwala siyang karapat-dapat ito sa mga biyayang dumarating sa kanya kaya walang dahilan para makaramdam siya ng inggit.

 

Bukod sa pelikula at pagiging abala sa kabi-kabilang TV shows sa GMA-7, successful din ang dalawang dance albums ni Mark kaya't may mga nagsasabing milya-milya nang iniwanan at tinalbugan nang husto ng young actor si Rainier.

 

"Okay lang na malayo na ang narating niya, talagang ganoon ang buhay. Totoong magkasabay nga kami, pero okay lang na mas maging successful siya. Siguro mas deserving siya para bigyan ng magagandang projects at mas maraming trabaho," panimula ni Rainier na hanggang ngayo'y wala pa ring lovelife.

 

Dagdag pa niya, "And siya kasi ang Ultimate Survivor kaya dapat lang na siya talaga ang bigyan ng maraming projects. Sa akin kasi, ang pananaw ko riyan ay pana-panahon lang ‘yon kumbaga. Ganoon naman talaga sa showbiz e. Magkaibigan kami ni Mark at walang inggitan kung anuman ang narating ng isa sa amin. Ganoon naman sa batch namin, tulungan talaga kung sino ang nangangailangan.



"Happy ako sa GMA Artist Center, happy at kuntento naman ako sa takbo ng career ko—masayang-masaya and satisfy. Sa ngayon, bukod sa Bakekang at SOP ay mayroon din akong Hokus Pokus," sabi pa ni Rainier.

 

Ibinalita rin ni Rainier na nagda-dub siya para sa isang animé TV program na ipalalabas sa GMA-7 very soon, kasama sina Marky Cielo at Yasmien Kurdi.

 

"Nagda-dub kami ng animé, yung Bleach," ani Rainier. "Bale ako si Uruu, isang spirit warrior. Siguro this month ay mapapanood na itong animé na ito. Ang haba kasi noon e, hanggang 100 episodes. Pero ang nada-dub pa lang namin ay 32 episodes. Bale last year pa namin ‘yon sinimulan, last November at every Thursday lang ang dubbing namin."

 

Tungkol sa kanyang assessment sa Batch 4 ng StarStruck, inamin ni Raniner na hindi siya makapagbibigay ng matinong prediction kung sino ang mananalo at kung sino ang may pinakamalaking potential sa latest batch ng artista search ng GMA-7 dahil hindi niya masyadong kilala ang mga baguhang ito.

 

"Sa Batch 4, good luck sa kanila. Wala kasi akong kakilala sa kanila masyado e. Nakasama ko lang yung ilan sa StarStruck, sa acting test nila sa Bakekang. Pero sana ay maging successful din sila 'tulad namin and sana ay ma-enjoy nila ang showbiz life. Isipin dapat nila na seryosohin at mahalin ang trabahong ito 'tulad ng ginagawa namin ngayon," payo pa ni Rainer sa mga baguhang unti-unti na ring nakikilala ng madla.