Finally, Pampanga Governor Mark Lapid confirms reports that Tanya Garcia is indeed pregnant with his first baby. "Pasensya na kayo, hindi kami nagtatago. Sabi ko nga, wala kaming dine-deny, wala kaming tinataguan. Until such time na pwede na ho siya, wala naman kaming iniiwasan."   Photo: Noel Orsal

Ikinatuwa ni Senator Lito Lapid ang balitang pagbubuntis diumano ni Tanya Garcia, ang kasintahan ng kanyang anak na si Governor Mark Lapid.

 

Matatandaan na hindi kinumpirma nina Mark at Tanya noon ang real score ng kanilang relationship. Sa katunayan, kasasabi lang ni Tanya noong February 1, sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal), na "no commitment" ang kanilang status.

 

Ang paliwang ng Super Twins cast member ay, "Kami, we see each other once in a while. Hindi kami laging magkasama kasi nasa Pampanga siya. Ako naman, nandito, almost every day yung taping. Once in a while, ‘pag may free time siya, lumuluwas siya to visit me. Or ‘pag may free time ako, pinupuntahan ko siya."

 

Ngayon, biglang lumabas ang balitang nagdadalang-tao raw si Tanya at si Mark ang itinuturong ama.

 

Ipinahayag naman ng ama ni Mark na maluwag ang pagtanggap nito sa balita. Sa taped interview ng Startalk noong Marso 3, sinabi ng senador, "Normal na sa akin 'yan dahil may dalawang apo na ako, may asawa na 'yong dalawa kong anak na babae. Kaya nang mabalita na nagdadalang-tao si Tanya, tinatanong ko nga [si Mark] kung kailan ang kasal."

 

Hindi rin ikinaila ng Pampanga governor ang balita. Ibinahagi pa nga niya ang planong pagpapakasal nila ni Tanya. "Kasi nasa edad na naman [ako] at nasa edad na rin naman si Tanya. May plano kami pero hindi ko pa masabi dahil napapag-usapan namin, unang-una, eleksyon ngayon."

 

Dagdag pa ni Mark, "Hindi naman namin minamadali 'yon. Pero definitely aabot ho doon. Ang priority namin ang kalusugan niya, maging stable muna siya. Itong pagpaplano, napakadali na niyan basta maayos na siya at matiwasay ang kanyang kalagayan."

 

Nabanggit ni Mark na medyo maselan ang pagbubuntis ni Tanya. Pinayuhan nga raw ng doktor ang aktres na kailangan niyang magkaroon ng kumpletong pahinga.

 

"'Yon ang advise ng doktor niya, na magpahinga dahil may konting komplikasyon na kailangan niya talagang ipahinga. Kaya nga kami, on our part, ayaw na muna namin magsalita dahil mas concern kami doon sa kanyang kalusugan rather than kung anong sabihin ng ibang tao," sabi ng gobernador.

 

Ayon kay Mark, kung maayos na ang kalagayan ni Tanya, maaring manatili muna ang dalaga sa Pampanga at doon magpahinga. Aniya, "Kung stable ang sitwasyon niya, pwede rin siyang nasa probinsya. Sa ngayon kasi, nasa Manila muna siya dahil ‘'yong doktor nasa Manila. Kailangan pa niya ng at least two weeks para makapagpahinga."

 

Humihingi rin na paumanhin si Mark sa entertainment media dahil naging tahimik sila ni Tanya tungkol sa isyu, gayundin sa mga shows na kung saan ay kailangang magbitiw si Tanya dahil nga sa kanyang kalagayan.

 

Pahayag ni Mark, "Pasensya na kayo, hindi kami nagtatago. Sabi ko nga, wala kaming dine-deny, wala kaming tinataguan. Until such time na pwede na ho siya, wala naman kaming iniiwasan."