"Sobrang bait ni KC sa anak ko. He treats Heaven as his own son. He's doing a good job. Hanga ako sa kanya dahil sa pagpapalaki niya sa anak ko," says Paco Arespacochaga about KC Montero. Photo: Noel Orsal


Sa panayam ng Startalk kay Paco Arespacochaga last Saturday, March 17, puring-puri ng dating miyembro ng bandang Introvoys ang asawa ng ex-wife niyang si Geneva Cruz na si KC Montero. Ayon kay Paco, wala siyang maipipintas kay KC pagdating sa pagpapalaki nito sa anak nila ni Geneva na si Heaven.

Sabi nga ni Paco na kahit kailan ay hindi siya nagkaproblema kay KC dahil higit pa sa tunay na anak ang turing nito kay Heaven na nag-celebrate ng 11th birthday that same day.

"Sobrang bait ni KC sa anak ko. He treats Heaven as his own son. He's doing a good job. Hanga ako sa kanya dahil sa pagpapalaki niya sa anak ko. Nakakatuwa pa, kasi when he has any problem with Heaven, KC never decides by himself. Marunong siyang rumespeto. Tinatawagan niya ako para lang itanong kung ano sa palagay ko ang magandang gawin," kuwento ni Paco.

Sinabi rin ni Paco na masuwerte ang anak niya dahil kagaya ni KC ang naging stepfather nito. Kaya naman malaki rin ang respeto niya sa MTV VJ. Sa katunayan, madalas niya umanong i-remind si Heaven na kailangang maging masunurin siya kay KC.

Aniya, "I keep reminding Heaven, ‘I'm your Dad but we have to follow KC because you're living with him. He also loves you very much.'"

Minsan ay nasabi nga ni Geneva na mas close pa si Heaven kay KC kesa sa tunay nitong ama na si Paco.

"It's because Heaven was only three years old when Paco and I separated. He practically grew up with KC as his father, and KC really loves Heaven like his own son," paliwanag ni Geneva.

Samantala, masaya si Paco dahil kahit may kanya-kanya na silang buhay ay nanatili silang magkaibigan ni Geneva. Sa katunayan, si Paco ang isa sa mga unang nakaalam nang magpakasal nang lihim sina KC at Geneva in a very private ceremony na ginanap sa Seattle, Washington, noong January 5, 2004, kung saan ang tanging naging saksi ay ang mga magulang ni KC at ama at dalawang kapatid na babae ni Geneva. Pero nakiusap daw kay Paco ang ex-wife na huwag itong ipagsasabi kahit kanino. Kaya nang lumabas sa column ni Ricky Lo na Fanfare sa Philippine Star noong January ang wedding ng dalawa ay hindi na nagulat si Paco.

"Gen asked me not to tell anybody about it, so I kept it a secret," ngiti pa ng drummer ng bandang Introvoys na nagkaroon ng reunion kamakailan.

Dagdag pa ni Paco na naniniwala siyang soulmates sina KC at Geneva.

"They're perfect for each other," pakli niya.

Si Paco, na nakatakdang bumalik sa Amerika sa March 26, ay nagsimulang manirahan noong 2001 sa US ilang buwan matapos silang maghiwalay ni Geneva. Ngayon ay naka-base sila ng third wife niyang si Tiny Ambrosio sa Los Angeles. Wala pa silang anak.