"Ang madalas na magkausap about Heaven is kami ni KC. ‘O ano ba ang plano natin sa anak natin? Paano ba natin didisiplinahin si Heaven?' ‘Pag nagkasundo kami ni KC, ikukuwento ko na sa asawa ko, siya naman ikukuwento niya na kay Gene," says Paco Arespacochaga about his relationship with KC Montero, the husband of his ex-wife Geneva Cruz. Photo: Noel Orsal (KC and Paco) & YES! (Heaven)

Isa sa pinakamakulay na relasyon noon ang kina Paco Arespacochaga at Geneva Cruz. Si Paco ay drummer noon ng sikat na bandang Introvoys, samantalang si Geneva naman ay dating miyembro ng singing group na Smokey Mountain na nagkaroon ng career bilang solo performer.

Nang mabuntis ni Paco si Geneva ay nagpakasal sila. Ilang taon lang pagkatapos isilang ni Geneva si Heaven, nauwi sa hiwalayan ang pagsasama nila ni Paco. Sa kanilang paghihiwalay, nagpalitan ng masasakit na salita sina Geneva at Paco sa mga interviews sa kanila noon.

Matagal na nanirahan si Paco sa Amerika at kamakailan nga ay nagbalik siya sa Pilipinas, in connection with the reunion of Introvoys. Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Paco pagkatapos ng kanyang live guesting sa Startalk last Saturday ay inamin niyang pinagsisihan at ikinahihiya niya ang naging away nila noon ni Geneva.



"Piece of advise lang sa mga naghihiwalay and I don't mean to impress upon anybody this, I got through this, di ako magmamalinis. I admit I did quarrel with Geneva on air and looking at you guys, it makes me feel embarrassed. Maghihiwalay kayo on camera, mag-aaway kayo on camera, tapos yung mga anak ninyo ang umiiyak. Kids don't know anything better except to love both of you, give it to them, respect the kids by keeping everything offline or don't fight, ganun lang," panimulang pahayag ni Paco.

Isa sa mga isyung inireklamo noon ni Geneva kay Paco ay ang financial support nito kay Heaven. Nagkaayos na ba sila tungkol dito?

"Nag-usap na kami ni Gene," sabi ni Paco. "Sabi ko, kailangan ko na bang pumasok sa eksena? Sabi niya, hindi pa raw. So sabi ko, okay, ‘pag kailangan na niya, sabihin niya lang sa akin. In my case, I'm not naman irresponsible. Kasi ‘pag gumagawa kami ng budget ni Tiny [Paco's third wife], may budget kami para kay Heaven. Naka-set aside yun."



Dagdag pa niya, "Di namin ibinigay kay Gene dahil di pa kailangan. Pero I can confidently say na anytime na may kailangan siya, kay Gene mapupunta yun. And if Gene gets to light without needing it, kay Heaven automatically mapupunta yun."



It seems that Paco has learned his lessons from the past and now he's happy na mas maganda at kumportbale ang relasyon nila ng dating asawa na si Geneva at ng present wife niyang si Tiny.



"I'm so in love with the two of them and I would say it with pride. Sabi ko nga, I'm now experiencing the sunshine after the rain. ‘Pag nakikita ko sina Gene and KC [Montero], I feel so in love with my wife because I know that my past has been erased. Kumbaga, wala na yung past. Ang nakikita ko sa kanilang dalawa is present. It makes me love my wife even more, kasi wala akong baggage na dala-dala," paliwanag pa ni Paco.

Nagpapasalamat din si Paco kay KC dahil sa pagmamahal na ipinadama nito kay Heaven. Naikuwento rin ni Paco ang madalas na pag-uusap nila ni KC para sa future ni Heaven. Sa katunayan, noong nakaraang 11th birthday ni Heaven ay silang dalawa ni KC ang nag-prepare ng party nito.



"My son is actually growing into a young man now who has a good head on his shoulders," very proud na sabi ni Paco. "Wala siyang resentment sa buhay, wala siyang question about the past. Actually, ‘pag nag-uusap nga kami ni Gene, lagi naming sinasabi na huwag na naming ibigay kay Heaven yung past, masaya siya with what he has right now. Mayroon siyang Tita Tiny, his Daddy, mayroon siyang Mommy, and Daddy Yo. Wala siyang pakialam kahit na kanino pa siya sumama, ang loyalty niya ay nasa aming apat.



"Actually, nung birthday ni Heaven, kami ni KC yung nag-organize, e. Si Geneva nasa America and even Tiny. Kaming tatlong boys ang magkakasama sa birthday ni Heaven. Bonding ng mag-aama.



"Ang nakakatuwa nga, which is very comfortable, hindi kami madalas nag-uusap ni Geneva about Heaven. Ang madalas na magkausap about Heaven is kami ni KC. ‘O ano ba ang plano natin sa anak natin? Paano ba natin didisiplinahin si Heaven?' ‘Pag nagkasundo kami ni KC, ikukuwento ko na sa asawa ko, siya naman ikukuwento niya na kay Gene," masaya pang kuwento ni Paco.

Kahit mas madalas na kasama ni Heaven si KC, kampante pa rin si Paco sa relasyon nilang mag-ama.



Paliwanag niya, "Kahit na ang isang mag-ama ay magkasama for 20 years, kung walang enough effort sa biological father, walang matibay na relationship yung mag-ama na yun. Same reason that in spite the fact na nakatira ang anak sa stepfather na nagmamahal sa kanya, and the biological father comes in the picture—not to mess up the life of the child but to augment what life is—yung puso ng bata, magkakaroon siya ng space for the biological father.

"Nung na-realize ko yun, di na ako naging insecure kung maging close si Heaven kay KC. I believe KC has every privilege and every right to be loved by Heaven. Why? Because di niya obligasyon na mahalin ang anak ko, di niya obligasyon pag-aksayahan ng panahon ang anak ko. Pwedeng anakan na lang niya si Gene para magkaroon sila ng sariling anak, pero he decided na hindi. Itinuring niyang anak si Heaven, pinalaki niya ito na parang anak niya. Minahal niya na parang kanya at saludo ako sa kanya," sabi pa ni Paco tungkol kay KC.

Sa kasalukuyan ay busy si Paco sa pagpu-promote ng reunion album ng Introvoys na In The Beginning, a compilation of their hits.