"Friends naman kami ni Yexel kahit wala na kami. Hindi ko na ie-elaborate kung ano ang naging reason ng breakup namin. Personal na siguro namin 'yon. Ang importante ay okay kami as friends at mas masaya ako ngayon," says Iwa Moto about breakup with dancer Yexel Sebastian. Photo: Alex Datu


As much as possible ay ayaw nang sagutin ng StarStruck 3 First Princess na si Iwa Moto ang tungkol sa paghihiwalay nila ng kanyang dancer-boyfriend na si Yexel Sebastian kamakailan. Nakorner ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Iwa sa last taping day ng Bakekang sa AFP Theater noong March 23.

 

Ayon kay Iwa, nine months din daw tumakbo ang kanilang relasyon ni Yexel. Pero kailangan na raw nilang tapusin ito bago pa raw dumating ang point na hindi na sila happy with each other.



"Ayoko na nga sanang sagutin pa ang tungkol sa amin ni Yexel, pero hindi ako tinitigilan ng mga nakakakita sa akin. Kaya sige na nga, sagutin ko na para matapos na rin," panimula ni Iwa.

 

"Friends naman kami ni Yexel kahit wala na kami. Hindi ko na ie-elaborate kung ano ang naging reason ng breakup namin. Personal na siguro namin 'yon. Ang importante ay okay kami as friends at mas masaya ako ngayon."



So ibig bang sabihin ni Iwa ay hindi siya masyadong masaya sa piling ni Yexel noong sila pa?



"Ay, wala naman akong sinabing hindi ako masyadong masaya!" natatawa niyang paglilinaw. "Masaya naman ako noong kami. What I mean is, mas masaya ako ngayon because naka-recover na ako sa breakup naming dalawa."

 

Dagdag pa niya, "Siyempre noong una, malungkot. Umiyak din naman ako kasi matagal din ang relasyon namin. Now, okay na ako. I have to move on na. Trabaho na tayo ngayon."



May balitang isang miyembro raw ng EB Babes ang pinopormahan ngayon ni Yexel. Madalas daw makita si Yexel sa studio ng Eat Bulaga! at may sinusundo na isa sa mga EB Babes. Ano ang masasabi ni Iwa rito?

 

"Hindi ko alam, ayokong sagutin ‘yan. Si Yexel na lang siguro makakasagot niyan. Hindi ako updated sa mga ginagawa na niya ngayon, e!" tawa niya.



"Siguro okay lang naman na manligaw siya ng iba. Wala naman na kami. Ako naman, open na ako sa kung sino ang gustong manligaw, di ba? Pero like what I said, trabaho muna ako. Tsaka na ang boyfriend ulit," aniya pa.



Nag-e-effort ngayong magpapayat nang husto si Iwa dahil marami na ang nakakapansin na tumaba siya after ng kanyang pictorial para sa FHM magazine noong December.



Sabi ni Iwa, nandito raw kasi sa Manila ngayon ang Mommy niya na nanggaling pang Davao. Ito raw ang luto nang luto para sa kanya at nagtatampo raw ang Mommy ni Iwa kapag hindi niya kinakain ang hinahanda nito sa lamesa.

 

"Minsan-minsan lang akong samahan ng Mommy ko sa amin kaya kapag nagluto siya, kinakain ko talaga. Kaya heto, medyo tumaba talaga ako. Ayoko namang magtampo si Mommy sa akin, di ba? Kaya sa bahay, taob lahat ng bandehado at kaldero! Ubos dapat ang mga niluluto niya!" tawa pa niya ulit.



Pero ngayon daw ay balik na sa diet niya si Iwa at nagsimula na siyang mag-workout ulit.



"Nag-lose na ako ng ilang pounds, pero tuluy-tuloy pa rin ako sa pagda-diet. Aware ako sa mga sinasabi ng marami na bakit nga raw ako tumaba, e, ang sexy ko pa naman daw sa FHM cover. Kaya heto, magpapapayat na ako para di masira ilusyon nila sa akin!" huling pahayag ni Iwa.