Controversial actress Rosanna Roces announced on national television that she wants to get back with estranged husband Tito Molina, after their much publicized breakup last 2004. Photo: Enie Reyes

Walang kagatul-gatol na inamin ng aktres na si Rosanna Roces sa The Buzz last Sunday, March 25, na miss na miss na niya ang estranged husband na si Tito Molina. Labing-isang taon ding nagsama ang dalawa bago ang kanilang ma-eskandalong hiwalayan noong 2004. Matatandaan na tinawag pang "irresponsible" at "drug addict" ni Osang ang asawa.

Sa nasabing panayam pa rin ng The Buzz, sinabi ng dating sexy star na walang lalaki ang maaaring pumalit sa kanyang asawa. Wish nga raw ni Osang na sana ay magkabalikan sila uli ni Tito.

"How I wish na magkasama kami uli. Oo naman, nami-miss ko, 'no! Gago naman ako kung sasabihin kong hindi," bulalas pa ni Osang.

Nang tanungin kung bakit tila nagbago bigla ang pagtingin niya sa dating asawa matapos niya itong sira-siraan dati on national television ay ito ang isinagot ni Osang: "Alaga. Kasi kahit ano'ng nangyari, mas lamang yung ginawa niyang mabuti kesa masama."

Tiniyak din ni Osang na hinding-hindi na siya papasok sa pakikipagrelasyon kung hindi rin lang kay Tito.

"Kasi yung ibang mga lalaking na-involved sa akin after namin ni Tito, lahat sila may hidden agenda, kaya ayoko nang magpaligaw. Hindi ko kailangan ng lalaki, ng katabi sa gabi," aniya pa.

Pero kung si Tito raw ang lalapit sa kanya ay siguradong hindi siya magdadalawang-isip.

"I would welcome him with open arms. Sasabihin ko sa kanya, 'Mahal pa rin kita.' Mamamatay ako na ang huling bibigkasin ko, pangalan niya," sabi pa ni Osang.

Pero siyempre, kailangan pa rin daw, may blessing ng mga anak niya kung sakaling magkakabalikan sila ng dating asawa.

Sa ngayon, kuntento na raw si Osang na alagaan ang kanyang apong si Budoy, anak ng panganay niyang si Grace sa young actor na si Jolo Revilla, anak ng mag-asawang Lani Mercado at Bong Revilla, Jr.

Natutuwa ring ibinalita ni Osang na under negotiation ang isang malaking project na nakatakda niyang gawin, pero tumanggi siyang magbigay ng detalye.



"Hindi ko sasabihin dahil dapat abangan nila," huling nasabi niya.