Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang Pop Diva na si Kuh Ledesma sa launching ng kanyang K album na ginawa sa Teatrino Promenade noong April 14.
Five years in the making ang naturang album dahil lagi raw itong nasi-shelve for varied reasons. Kundi ang schedule ni Kuh, sa arranger nitong si Bob Aves ang problema.
But after listening to some cuts of the album na kung i-describe ay "neo-Filipino" dahil sa makabagong arrangement, worth the wait ang matagal na paghihintay for Kuh's new album.
Ang ganda ng version ni Kuh ng "Bayan Ko," "Lahat ng Araw (Silayan)," "Siya Na Ba?," "Mutya ng Pasig," ang favorite niyang "Pakiusap" at "Nasaan Ka Irog?," at iba pang cuts sa 10-track album. Produced ito ng Bravo Records at dedicated sa bansa, sa ina niyang si Carmen. Contributing art director sa album ang anak ni Kuh na si Isabella Gonzales.
"This album is an accomplishment for me," sabi ni Kuh. "Gusto kong ma-inspire ang tao through music. Kakaibang pagkamulat para sa ating bayan, lalo't malapit na ang election. Also, because of the beautiful arrangements, makilala ng kabataan ang mga kanta natin. Sana, all ages ang maka-appreciate nito."
Louie Gonzales. Na-appreciate din ng PEP ang hindi pagdadamot ni Kuh nang hingan namin siya ng reaksiyon sa sa murder case na kinakaharap ng dati niyang asawa na si Louie Gonzales. Kapansin-pansing kahit matagal nang hiwalay, "asawa" pa rin ang tawag ni Kuh kay Louie.
Sangkot si Louie sa pagpatay sa negosyanteng stepbrother nitong si Federico "Paco" Delgado. Natagpuang naliligo sa sariling dugo niya si Paco dahil sa tinamong mga saksak sa bahay nito noong March 10.
Ang 47-year-old na ex-husband ni Kuh ay positibong itinuro ng isang saksi sa naganap na krimen. Kitang-kita raw diumano ng witness nang tanggalin ng dating asawa ni Kuh ang bonnet sa mukha nito bago nilimas ang mga pera sa vault na nasa loob ng bahay ng pinaslang.
"I'm hoping na ang pagsubok na kinakaharap niya ay magdadala sa kanya closer to Him," sabi ni Kuh. "Alam ng tao na hindi yun magagawa ng asawa ko, pero hinusgahan agad. Bakit ganun? Hindi fair. Iniingatan natin ang name natin dahil valuable ang name ng tao and I'm hoping hindi susuportahan ng Korte ang kasinungalingan."
Paano tinanggap ni Isabella ang nangyari sa ama?
"My daughter is a very strong child. Kung ibang bata pa siya, baka umiyak na, pero hindi ang anak ko dahil alam niya ring ‘di magagawa ng ama ang paratang," sabi pa ni Kuh.
Isabella. Nakausap din ng PEP si Isabella pagkatapos ng panayam namin sa kaniyang ina. Nauna lang ang pagsasabi ni Kuh na very strong ang anak at hindi umiiyak, pero nang si Isabella na ang nakaharap ng press ay umiyak ang dalaga.
Nagpahayag din si Isabella kung gaano niya kamahal at nami-miss ang ama. Nangako itong dadalawin ang ama sa rehabilitation center na kinalalagyan nito ngayon.
Aniya, "The issue about my Dad? Thank God it doesn't affect me that much. I know he has nothing to do with that. He was in the hospital getting treatment, why would it bother me?
"He is in a rehab facility now and no one is allowed to see him...not at this time. [He's there] for substance abuse due to depression. His Mom died and he was very close to her. I'm really proud of him that he's decided to check himself in a rehab. I just love my parents. All I can do now is pray for my dad," mahabang pahayag ni Isabella.
Natatawa namang ikinuwento ni Isabella na malapit lang sa bahay nila ang bahay ng ama. Neighbors sila kung tutuusin.
"He lives just a block away from our house and I could walk to his house. It's cool, pero siyempe di ko magawa dahil Pasay City yun. He's lived there for two years already. He's just around the block. Konting lakad lang, I can see him na," kuwento ni Isabella.
Samantala, excited na si Isabella sa gagawing R&B album to be produced by American singer-composer Keith Martin (nagpasikat ng kantang "Because of You"). On hold muna ang jazz album na dream niyang gawin dahil kailangang pag-isipan at paghandaan daw ito nang husto.