Pagkatapos ma-link kay Willie Revillame, may panibagong intriga na namang ikinakabit ngayon sa TV host-comedienne na si Janelle Jamer. Usap-usapan kasi ngayon ang diumano'y pagtutulungan nina Janelle at Mariel Rodriguez laban sa bagong co-host nila sa Wowowee na si Roxanne Guinoo. Ayon pa sa balita, hindi raw payag si Janelle na matabunan sila sa paghu-host ni Roxanne.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Janelle sa dressing room ng Wowowee noong April 19 ay agad niyang nilinaw ang kumakalat na balita.
"Never akong na-insecure kay Roxanne," diin ni Janelle. "Before pa siya pumasok sa Wowowee, we were so excited kung sino yung magiging pangatlong co-host kasi sobrang hirap sa amin ni Mariel kung dalawa lang kami. Like, for example, mayroon kaming raket outside, hindi kami makapag-absent kasi walang maiiwan. So okay talaga na tatlo kami. At least, hindi mahihirapan yung maiiwan ‘pag kailangang um-absent nung isa, di ba?
"Actually, tinutulungan pa nga namin siya kasi parang baby si Roxanne. Kumbaga, nag-a-adjust pa lang siya, tinutulungan namin siyang mag-adjust. Kasi sabi niya, ito talaga ang first time niyang mag-host. Siguro part talaga ng showbiz na everytime na may bago, isyu agad na yung nai-insecure."
Binigyang-linaw rin ni Janelle ang paratang na lumalaki na ang ulo niya at patunay raw nito ay hindi na siya nagsu-show sa Punchline at Metro Bar na pag-aari pa naman ng kaniyang manager.
"Hindi na talaga ako nagse-set dun kasi decision na ng boss dito sa ABS na hindi na puwede na everytime na paos ako, Wowowee ang nag-a-adjust para sa trabaho ko sa gabi. Mas maganda na i-prioritize ko yung show. Kung papipiliin ako, hindi ko naman puwedeng bitawan ang Wowowee. Naiintindihan naman yun ng manager ko. Napag-usapan namin na tutulungan ko na lang sila sa promotion," paliwanag niya.
Kinumpirma rin ni Janelle na nag-break na sila ng businessman-boyfriend niya of more than three years.
Sa isyung lumabas na may anak na siya sa pagkadalaga sa isang may-ari ng shoe factory sa Marikina, naghamon si Janelle na maglabas ng proof ang nagpasimula ng kuwentong ito.
"Naghahamon ako na sana magpakita sila ng katibayan," mariin niyang sabi. "Parang unfair kasi sa mga artista na na-issue na may anak tapos wala naman silang maipakitang proof. Nag-iimbento lang sila.
"Gusto kong mapikon pero iniisip ko, ang importante, alam kong hindi totoo. Mabuti pa sila, alam nilang may anak ako. Akong may katawan, hindi ko alam. Nagtatanong nga ako na baka nagka-amnesia ako na hindi ko alam na nanganak pala ako. Walang bata sa bahay namin. Kahit na mag-research sila sa lahat ng mga kaibigan ko, wala silang makukuha."
Depensa pa ni Janelle, "Saka bakit naman ako magsisinungaling? Hindi naman ako pang-loveteam at saka host ako. Tulad nina Amy Perez, may anak sila pero tanggap pa rin sila kasi hosting ang kanilang pinasok."
