Valerie Concepcion plays her most daring role to date in GMA-7's Sinasamba Kita. She will play the role originally portrayed by Lorna Tolentino. "Daring na rin ako kasi nga may love scene at rape scene pa ako with Wendell and Carlo," says Valerie about her role. Photo: Courtesy of GMA-7


Tuwing tatanungin si Valerie Concepcion kung may boyfriend o manliligaw na siya, lagi nitong sinasabi na wala. Pero malakas ang bulung-bulungan na nanliligaw sa kaniya ngayon San Miguel Beer player na si Dondon Hontiveros.



Natawa si Valerie nang mabanggit ang pangalan ni Dondon. Sinabi ng young actress na nakilala lang daw niya si Dondon nang maging muse siya ng San Miguel sa opening ng Philippine Basketball Association (PBA). Pero inamin naman ni Valerie na malaki ang crush niya kay Dondon.



"I have to be honest, nag-date na kami ng ilang beses na ni Dondon," pag-amin niya. "Crush ko naman kasi siya noon pa kaya isipin n'yo na lang ang feeling noong mag-date kami. Pero friendly date lang naman yun kasi kasama ang Mommy ko. Biniro nga ako na hindi raw date ‘yon kundi outing. Kulang na lang sumama ang ibang members ng family ko.



"But Dondon is a nice guy at alam ko naman na may anak na siya. I actually met his son Isaiah. Na-meet na rin ni Dondon ang baby girl ko," sabi pa ni Valerie.



Kung maging seryoso sa kaniya si Dondon, okay lang ba kay Valerie na may anak na ang basketball player sa ibang babae?



"Kung okay lang ba sa kaniya na nagkaroon ako ng anak sa ibang guy, it wouldn't be an issue on my part. Alam ko na mahirap for a single guy na walang anak na matanggap ang pagiging single parent ko. Siguro nga mas okay kung isang lalake na may anak na rin ang piliin ko, di ba? At least, patas na lang kaming may mga anak. Mas nagkakaintindihan kami," paliwanag ni Valerie, who became a mother at the age of 16.  



Ready na ba na ma-in love ulit si Valerie?



"I think so," sagot niya. "Kasi 19 years old na ako at ang dami ko nang napagdaanan na mga problema sa buhay, di ba? Siguro naman natuto na ako sa mga nangyari sa akin. I'm ready to fall in love again."

 

After Atlantika, may bagong regular show si Valerie sa GMA-7. Kasama siya sa first offering ng Sine Novela na Sinasamba Kita, ang remake ng 1982 film starring Vilma Santos, Christopher de Leon, Phillip Salvador, and Lorna Tolentino.

 

Sa bagong version ng Sinasamba Kita ay gagampanan ni Valerie ang role na unang ginampanan ni Lorna sa pelikula. Ito ay role ng mabait at inosente; dito nag-a-identify ang manonood. Kasama rin ni Valerie sa TV version sina Sheryl Cruz, Wendell Ramos, at Carlo Aquino. Si Carlo ang pumalit kay JC de Vera, na natanggal mula sa original casting, to play the role originally done by Phillip.



"Natuwa nga ako noong malaman ko na makakasama ko ulit si JC sa Sinasamba Kita. Pero noong mapalitan siya, siyempre nalungkot ako kasi na-miss ko rin makatrabaho si JC. Pero okay naman si Carlo. Masarap siyang katrabaho at vibes kami kaagad sa set. Bilib ako sa husay niya as an actor kaya proud akong makatrabaho siya sa show," kuwento pa ni Valerie.



Dito sa Sinasamba Kita na may kissing scene at love scene si Valerie with Wendell Ramos, who plays the character of Christopher in the movie version. Bukod dito, may kukunan ding rape scene ang young actress with Carlo. Kakayanin kaya ito lahat ni Valerie?



"Sa totoo lang, ang role ko rito as Nora Ferrer is the most challenging I've done," sabi ni Valerie. "Akala ko kasi noong bigyan ako ng soap opera noon na Walang Hanggan with Oyo Sotto, yun na ang pinakamahirap kasi parati na lang ako umiiyak. Pero dito sa Sinasamba Kita, mas matitindi ang mga eksena ko. Daring na rin ako kasi nga may love scene at rape scene pa ako with Wendell and Carlo. Paghahandaan ko talaga ang mga ‘yon."



Nagpapasalamat nga raw si Valerie sa kanilang direktor sa Sinasamba Kita na si Joel Lamangan dahil nabigyan siya ng proper guidance sa pag-arte niya.



"Nahihiya nga ako minsan kay Direk Joel kasi napapagalitan niya ako sa set. Maingay kasi ako, e. Napagalitan nga ako kasi imbes daw na nagku-concentrate ako sa role ko, daldal daw ako nang daldal. Kaya since then, nag-behave na ako sa set. Pero never akong na-late sa taping namin. Always on time ako at alam ko na ang mga linya ko kaya naman natutuwa si Direk Joel sa akin," kuwento pa niya.