Naisulat dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang planong birthday celebration ni Judy Ann Santos sa Sunday musical variety show ng GMA-7, ang SOP. Isasabay na rin daw rito ang pagwi-welcome sa kanya ni Jolina Magdangal, kaugnay ng pagpu-promote nila ng first movie team-up nila sa GMA Films, ang Ouija.
Sa May 6 sana lalabas si Juday sa SOP, limang araw bago ang kanyang araw ng kapanganakan, May 11. Napag-alaman ng PEP na nabago ang plano ni Juday. Gusto raw muna niyang magkaroon ng pre-birthday celebration.
At dahil mahilig siya sa dagat, nagustuhan ni Juday na sa Tubbataha Reef sa Palawan siya pumunta. Isang close kay Juday ang nagkuwento sa PEP na makakasama ni Juday pagpunta roon ang boyfriend na si Ryan Agoncillo at ang friend nilang si Dante Garcia. Nakatakda silang umalis sa May 5.
Hindi aabutin ng birthday niya sa Palawan si Juday dahil gusto naman niyang ang pamilya niya ang kasama sa celebration ng kanyang kaarawan sa mismong May 11. Dinner lang daw ‘yon at puwede rin daw mag-invite si Juday ng mga close friends niya.
Dahil dito, ang unang planong birthday celebration at pagwi-welcome sa kanya sa SOP ay gagawin na lang sa May 13, kasabay na rin ng celebration ng Mother's Day.
Samantala, sa mother network ni Juday na ABS-CBN, kumpirmadong may inihahanda namang isang TV special para sa kaniyang birthday. Kasabay rin daw ito ng pagsi-celebrate ni Juday ng kanyang 20th anniversary in showbiz. At press time, wala pang itinakdang date para sa airing ng naturang TV special ni Juday.
Tiyak din na ikatutuwa ng mga fans nina Juday at Ryan na may posibilidad na mas maaga pang mapapanood ang kanilang teleserye na Ysabella. Tuluy-tuloy na raw kasi ang pagti-taping nila. Ang Ysabella raw ang maaaring ipalit sa Maging Sino Ka Man o sa Rounin.