"Alam mo naman dito sa ating industriya, kung saan may trabaho ay doon tayo. Isa pa, hindi naman ito makakaapekto sa Daddy Di Do Du," says Redford White about accepting an offer from ABS-CBN. Photo: Summit Library


Itinanggi ng comedian na si Redford White na aalis na siya sa sitcom na Daddy Di Do Du ng GMA-7 at M-ZET Productions para lumipat sa bakuran ng ABS-CBN.

 

Inamin ng magaling na komedyante na two weeks siyang hindi nakapag-taping sa sitcom nila ni Vic Sotto, subalit hindi raw ibig sabihin nito na iiwan na niya ang naturang TV program.

 

"Nagbakasyon kasi ako sa Guam for two weeks kaya hindi ako nakapag-taping. Pero definitely, hindi ko iiwan ang Daddy Di Do Du," pahayag ni Redford sa PEP (Philippine Entertainment Portal) last May 22 sa story conference ng bagong Sine Serye ng ABS-CBN na Kokey.

 

"Mayroon nga akong bagong programa sa ABS, itong remake ng Kokey. Kasama ko rito si Alma Moreno at excited nga akong makatrabaho siya. Pero ‘yon na nga, trabaho lang ito. Alam mo naman dito sa ating industriya, kung saan may trabaho ay doon tayo. Isa pa, hindi naman ito makakaapekto sa Daddy Di Do Du," paliwanag ng komedyanteng nakilala sa bansag na Bisoy o Bisayang Tisoy.

 

Ayon kay Redford, walang problema sa pagkakaroon niya ng TV show sa Dos dahil magkaiba naman ng araw ang dalawang shows. Magkaiba rin daw ng tema ang Kokey at ang sitcom nila ni Vic.

 

Unang team-up nila ni Alma ang Kokey, although noon daw ay nakakasama na rin niya ang bagong halal na konsehal ng Parañaque, pero pa-guest-guest lang. Kaya ngayong regular silang magkakasama sa isang programa ni Alma ay natutuwa si Redford dahil ibang kumbinasyon naman daw ito.

 

Ang Kokey ay pelikulang isasatelebisyon ng ABS-CBN. Pinagbidahan ito dati nina Ricky Davao, Cherry Pie Picache, at Carlo Aquino noong 1994. Tungkol ito sa isang taga-ibang planeta na napadpad sa mundo at kinupkop ng isang pamilya.