"Actually, noong una, gusto ko siya. Akala ko kasi talaga, katulad ko, matapang siya. Pero nung nakita ko yung ugali niya nung nagalit siya... Kasi makikita 'yung talino ng tao pag galit siya, e," says Uma Khouny (right) about Wendy Valdez (left). Photo: Noel Orsal

 

Nagpakawala na naman ng kanyang katarayan ang Pinoy Big Brother (PBB) Season 1 ex-housemate na si Uma Khouny sa press con ng programa nila nina Katherine de Castro, Franzen Fajardo, at Jason Gainza na Trip na Trip.

 

Sobrang tinututukan ni Uma ang kaganapan sa mga housemates ngayong Season 2 ng PBB. Consistent siya sa nararamdaman niya para sa housemate na si Wendy Valdez.



"Pinakaayaw ko si Wendy talaga. Well, actually, 'yung love nila ni Bruce [Quebral]," bungad na pahayag ni Uma sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).



Si Wendy raw ang katapat ni Uma pagdating sa katarayan. Ano ang masasabi niya rito?

 

"Ay, dyusko! Humanda siya sa akin! Kung kaya niya ako, go!" tila pagbabanta niya.



"Actually, hindi pa ako ano.... Lahat ng pumapatol sa akin, papatulan ko. Once lang ako umiyak and, I swear, I'll never cry again. Umiyak ako after PBB nung Big Night namin last year. Paglabas namin, 'yung tira-tira sa akin sa The Buzz, doon lang ako umiyak.

 

"But after nun, bumangon ako talaga at sinabi ko lalabanan ko ang lahat. Kasi ‘yan ang showbiz, di ba? ‘Yan ang laro. Tirahin mo ako, papatulan kita. Interesting, di ba? Gusto ko minsan 'yung ganyan-ganyan, 'Si Uma bading.' Kaya kong harapin ang nagsasabi niyan."



Feeling ni Uma ay takot lahat ng housemates sa loob ng Bahay ni Kuya kay Wendy.



Ayon kay Uma, "Parang sinungaling si Nel [Rapiza] kasi sa mga interviews, parang kumakampi siya kay Wendy, e, di ba? Si Nel kumakampi kay Wendy. Sobrang takot sila kay Wendy, ewan ko kung bakit.

 

"Sino ba si Wendy? For me, wala siyang kuwentang tao.

 

"Di ba, nung pumasok ako [sa Bahay ni Kuya], dala ko 'yung yosi? Tapos sabi niya [Wendy], ‘O, best friend!' Sabi ko sa kanya, ‘Plastik!' Kasi, ‘Anong best friend, hindi mo ako kilala.' Kasi kilala na natin sila, tayo hindi nila kilala.



"Actually, noong una, gusto ko siya. Akala ko kasi talaga, katulad ko, matapang siya. Pero nung nakita ko yung ugali niya nung nagalit siya... Kasi makikita 'yung talino ng tao pag galit siya, e."



Sa tingin ba niya ay may katangian si Wendy ng pagiging manipulative sa kanyang co-housemates?

 

"Yeah, yeah," mabilis na sagot ni Uma. "'Tsaka pumasok 'yung pera niya masyado. One million, ganyan-ganyan."



Sino para sa kanya ang magiging Big Winner sa PBB Season 2?



"Si Mickey [Perz] o kaya si Gee-Ann [Abrahan]," sagot ni Uma.



Bakit si Mickey?



"Kasi ipinakita niya na talagang totoo siya. Mabait siya, huh! Noong una, akala ko pa-safe siya. Pero totoo siya, sobrang bait. Dyusko, hindi ko alam na may taong ganyan sa mundo. Sobrang bait. Pag may away, siya ‘yung laging nag-aayos."

 

Samantala, may plano raw ang Trip na Trip na kunin ang ex-PBB Season 2 housemate na si Nel Rapiz bilang karagdagang host ng show. Okay lang ba ito kay Uma?



"Okay lang. Hindi lang siya kagwapuhan, pero okay lang. Kasi parang masaya siya kasama, e," sabi ni Uma.