(From left) Marky Cielo, Dennis Trillo, and Raymart Santiago are reportedly in the cast of Pulis Pangkalawakan, the show inspired by Shaider. Photo: Noel Orsal


Napag-alaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na hindi na pala matutuloy ang paggawa ng Philippine version ng Shaider, na matagal nang nababalitang gagawin ng Kapuso Network.

 

Ang dinig namin, hindi pumayag ang may-ari ng rights ng Shaider sa Japan na gawin ang local version nito sa Pilipinas.

 

Una na ngang napabalita na ang StarStruck 3 Ultimate Sole Survivor na si Marky Cielo ang gaganap sa lead role na Shaider, ang pulis pangkalawakan, at ang StarStruck 4 winner na si Kris Bernal naman ang gaganap na Annie.

 

May mga iba pang pangalang naglabasan na gaganap diumano sa iba pang mga roles. Pati nga ang comedian at TV host na si John "Sweet" Lapus ay naging very open sa pagsasabing gusto niyang gampanan ang papel ni Babaylan Ida, ang transvestite na apo ng main contravida na si Fuuma Le-ar na nag-iiba ang anyo. Pero sa isang panayam ay sinabi ni Paolo Ballesteros na siya ang gaganap sa naturang role.

 

Anyway, itutuloy pa rin daw ng GMA-7 ang proyekto pero lalabas na lang na descendants ni Shaider ang apat na aktor, na lalabas sa series na ang title na raw ay Pulis Pangkalawakan.

 

Kasama pa rin daw si Marky sa cast. Ang ilan pa diumano sa mga aktor na makakasama sa bagong series na ito ng GMA-7 ay sina Raymart Santiago at Dennis Trillo. Si Dominic Zapata pa rin daw ang direktor na siya ring naging direktor ng Mulawin at Super Twins.

 

Ang Shaider ang isa sa pinakasikat na live action series sa Japan noong early ‘80s na ipinalabas dito sa Pilipinas, dubbed in Tagalog.