"Masaya ako palagi sa set. Para na nga nila akong nanay, lalo na si Juday [Judy Ann Santos]. May pinagsamahan na talaga kami, kaya parang anak na rin ang turing ko sa kanya," says veteran actress Gina Pareño about working on the set of Ysabella. Photo: Noel Orsal


Gustung-gusto ng younger cast ng Ysabella ang isa sa veteran stars ng teleserye na si Gina Pareño. Sa nakita nga ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa minsang pagdalaw namin sa taping ng nabanggit na teleserye ng ABS-CBN, napansin naming kapag nagsasalita si Manay Gina ay nakatuon ang pansin ng lahat sa kanya.



"Masaya ako palagi sa set. Para na nga nila akong nanay, lalo na si Juday [Judy Ann Santos]. May pinagsamahan na talaga kami, kaya parang anak na rin ang turing ko sa kanya," sabi pa ng award-winning senior actress na gumanap ding ina ni Juday sa pelikulang Kasal, Kasali, Kasalo.



Lagi raw may papuring binibitiwan si Gina sa younger members of the cast pag napapansin nitong humuhusay ang mga ito sa akting.



"Kasi, I do my homework," sabi ng veteran actress. "Iyon siguro ang natutunan nila sa akin, na kailangang pagdating sa set, preparado ka na. Costume, make-up, pati ang script, saulado mo na ang lines mo.



"Ganoon kasi ako hanggang ngayon. Actually, sinasabi ko lang 'yon kapag humihingi sila ng advice. Kasi nakikita rin nila na ginagawa ko, and I think that I'm setting a good example."



DEREK RAMSEY. Isa si Gina sa inusisa namin sa sinasabing pagpapa-late daw ng kasama nila na si Derek Ramsay sa set ng Ysabella.



"Hindi kasi ako aware na may problema si Derek sa schedule," sabi ni Gina. "Kasi kung mayroon man, hindi ako affected. And besides, parang wala naman. Hindi ko alam talaga.



"But Derek is a nice guy. Ang sweet-sweet niya, lalo sa akin. He's every inch a gentleman. Kung mayroon mang naging problema, I don't think ganoon kalala na parang inis na sa kanya ang mga katrabaho niya."

Pero lumabas nga ang dahilan na may iniinda sa kanyang tuhod si Derek. Kailangan na nga niyang magpaopera ng tuhod dahil sa isang injury and he has to postpone that dahil committed siya sa Ysabella.



"Hindi naman niya basta sinasabi 'yung ganyan, para siguro hindi namin siya problemahin pa. Pero never talaga siyang naging problema sa set, as
far as I'm concerned," pagtatanggol ni Gina kay Derek.



CONEY REYES. Kumalat din ang balitang may personal silang hidwaan ng isa pa niyang co-star sa Ysabella na si Coney Reyes, kaya lumalabas ito sa mga eksena nila sa nabanggit na teleserye.



"Uy, walang ganyan!" tila nagtataka pang sabi ng aktres. "Tinototoo namin ang mga eksena namin ni Coney dahil 'yon ang hinihingi sa amin bilang mga artista.



"Matanda na ako para sa mga iringan at away-away, please! Napaglipasan na ako ng panahon diyan. Very professional kami ni Coney, huh! Noong may sariling drama anthology pa siya noon, lagi niya akong igine-guest at never kaming nagkaroon ng tampuhan."



Pero, mayroon daw kasi talagang maldita image ang aktres way back '60s. Kaya raw itinatag ang Philippine Movie Press Club (PMPC) noon ay dahil mayroon daw reporter na tinarayan si Gina.



"Ha? Ngayon ko lang nalaman 'yan?" sabi ni Gina. "Wala akong natatandaang naka-engkuwentrong movie reporter. Nice naman ako sa kanila, at hindi ako naging maldita. I can't remember any incident, na may nasagasaan akong movie reporter. That's not true.



"Pa-sexy ang image ko noon, palaban siguro, pero never akong nanakit ng movie reporter o nagsuplada. Matapang lang akong magsasagot, pero hindi ako offensive," nagtatakang pagkikibit-balikat ng premyadong aktres.