"I admire her for doing that and it's her choice. Kung ako nga, kung choice kong mag-MRT, gagawin ko rin. It only means na she's just facing reality. Ito ang tunay na buhay, tapos na 'yung dati, e. Harapin na natin ang buhay ngayon," says Ricardo Cepeda about his ex-wife Snooky Serna. Photo: YES! Magazine (Ricardo) & Jervy Santiago (Snooky)


Nahingan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ng pahayag ang ex-husband ni Snooky Serna na si Ricardo Cepeda nang makita namin siya sa birthday party ni Angelu de Leon noong Biyernes, August 24.



Hindi na kami nag-aksaya ng panahon at tinanong namin si Ricardo tungkol sa lumabas na artikulo sa YES! magazine tungkol sa kanyang ex-wife.



Inamin ni Ricardo na hindi pa niya nababasa ang naturang article at ipinakuwento na lang niya kung ano ang nilalaman nito. Naikuwento namin na may mga pagkakataong sumasakay na lang ng passenger jeep at MRT si Snooky dahil sa kawalan ng pera. Nakikitira na lang din daw si Snooky sa iba't ibang lugar.



Sinabi naman ni Snooky sa interview niya sa YES! na parating nasa tabi niya si Ricardo sa anumang pagsubok niya sa buhay.



Ayon kay Ricardo, aware naman siya sa mga pinagdadaanan ngayon ni Snooky. In fact, parang hindi na siya nagulat sa mga kuwento ng kanyang ex-wife.



"Ganito na lang, wala naman akong nakikitang masama sa mga ginagawang ‘yon ni Cookie [palayaw ni Snooky]. Riding the jeep or MRT, hindi masama ‘yon. Everybody does it, so bakit hindi niya rin gagawin?



"I admire her for doing that and it's her choice. Kung ako nga, kung choice kong mag-MRT, gagawin ko rin. It only means na she's just facing reality. Ito ang tunay na buhay, tapos na 'yung dati, e. Harapin na natin ang buhay ngayon.



"Sa mga naikuwento ninyong ‘yan about Cookie, alam ko na lahat ‘yan. Sa ibang parts, magkasama pa kami ni Cookie. Ang masasabi ko lang siguro is Cookie has to be much stronger now because she's trying to get back to working.



"Mahusay na artista si Cookie and sayang naman if it all goes to waste. I heard nga na may mga offers na sa kanya and that's good. Kahit naman hindi sa showbiz, sa corporate world naman may mga gustong kumuha kay Cookie.



"Nasa kanya naman ‘yon kung susubukan niya at pagtitiyagaan niya. But I'm still here for her no matter what kasi we have kids at mahal namin ang mga bata," wika ni Ricardo.



Wala naman daw nagiging problema si Ricardo sa suporta niya sa kanilang dalawang anak na sina Samantha and Sachi. Maayos naman daw ang pag-aaral ng mga ito at nakikita ni Ricardo ang mga bata kung kailan niya gusto.



"Iyon ang maganda sa samahan namin ni Cookie," sabi ni Ricardo. "Kahit na we got separated na, hindi kami nag-file ng anumang custody sa mga bata. Kapag gusto kong bisitahin at kunin ang mga bata, Cookie allows me anytime. Wala siyang restrictions when it comes to our kids."



May balita na ikakasal na raw si Ricardo sa kanyang non-showbiz girlfriend. Ngumiti lang si Ricardo at sinabing matagal pa raw ‘yon mangyayari.

"Hindi pa right time sa ngayon. Anyway, doon naman din kami papunta pero may mga inaasikaso pa kaming mga importanteng bagay. If ever it happens, malalaman din naman ‘yan ng mga kaibigan natin sa showbiz," pagtatapos niya.