"Walang commitment pero we still care for each other. Sweet pa rin naman kami. We still say I love you and I miss you. Hindi nawawala ‘yon pero we're not together," describes Erik Santos about his relationship with ex-girlfriend Rufa Mae Quinto. Photo: Noel Orsal


Puspusan na ang paghahanda ng tinaguriang Prince of Pop na si Erik Santos para sa kanyang major concert na gagawin sa October 19 sa Araneta Coliseum. Titled Erik Santos...Solo at the Coliseum, makakasama niya rito sina Sam Milby, The CompanY, Nyoy Volante, Danita Paner, at si Ai-Ai de las Alas.



Kahit na hindi siya dancer, kakayanin at kakaririn daw niya ang mga dance numbers na nakatakda niyang gawin sa gabing iyon.



"I am truly grateful to God for all the blessings He has given me. I dedicate my concert to all my fans who keep on supporting me. They are my real inspiration. I am also happy and excited to share the stage with my good friends... This is a family gathering for me," pahayag ni Erik sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng kanyang concert na ginawa October 9 sa Blackbeard & Seafood Island restaurant.



RUFA MAE & BILLY. Dumalo si Erik sa celebrity premiere ng Apat Dapat, Dapat Apat na iprinodyus ng ex-girlfriend niyang si Rufa Mae Quinto noong Lunes. Mahal na mahal pa rin daw niya hanggang ngayon si Rufa Mae at ganoon din naman ang pahayag ng TV host-comedienne about him.

Dumalo rin sa nasabing premiere ang Pinoy international singer na si Billy Crawford na nali-link din sa comedienne. Sa nasabing okasyon daw sila pormal na nagkakilala ni Billy dahil ipinakilala sila ni Rufa Mae sa isa't isa.



Siyempre, tinanong si Erik kung naniniwala siya na boyfriend na ni Rufa Mae si Billy.

"Hindi raw. Iyon ang sabi sa akin ni Rufa Mae at naniniwala ako sa kanya," sagot ng Prince of Pop.

Nagseselos ba siya dahil nali-link si Rufa Mae kay Billy?

"Oo, bakit masama ba?" sagot ni Erik na sinundan ng malutong na halakhak. "Kasi siyempre, pag may pinagsamahan kayo, pag may naririnig kang somebody na nali-link sa kanya, you'd feel jealous. Hindi naman nawawala ‘yon."



RECONCILIATION.
In fairness kay Rufa Mae, sa mga interviews niya, binabanggit niya na mahal pa rin niya si Erik at hindi niya isinasara ang posibilidad ng reconciliation.

Hindi ba niya binabalikan si Rufa Mae? Ayaw na ba niyang balikan ang ex-girlfriend?



"Sa isang bagay, bago mo pasukin, kailangan handang-handa ka na dapat. Kumbaga, galing ka dito, gusto mong balikan. Kung may nangyari sa lugar na iyon na hindi magaganda, kailangan hindi na ulit mangyari iyon," pahayag ni Erik.



"Nandoon kami sa point na marami kaming bagay na dapat iayos sa sarili namin kasi kung hindi rin lang namin mababago ang sistema ng relasyon namin, ano pa yung silbi ng pagbabalikan namin?"



So, may possibility ba na magbalikan sila?



"Sa ngayon, siguro po," sagot ni Erik. "Siguro po mahal pa rin niya ako. May nararamdaman pa rin naman ako sa kanya. Hindi naman ‘yon ganun kadaling alisin or burahin ang mga pinagsamahan namin.

"Honestly, minahal ko talaga si Peachie [palayaw ni Rufa Mae]. Minahal ko talaga siya. Kaya lang may mga naging problema kami. Alangan naman bawat galaw namin sabihin namin sa press. Kasi kahit na maliit na bagay lang, nagiging malaking bagay pinagawayan namin," paliwanag ni Erik.



NEED FOR SPACE. Baka naman he needed space, tanong uli sa kanya. Sa pananaw ni Erik, si Rufa Mae raw ang mas nangangailangan ng space. Bakit naman niya nasabi ito?



"Kasi breadwinner siya ng pamilya. Ang dami-dami niyang trabaho. Tapos kung minsan nag-aaway pa kami. Imbes na makatulong ang relasyon para maka-inspire, hindi na maka-inspire. Pinagaawayan namin ang time namin sa isa't isa. Sa dami ng di namin pinagkakasunduan, naipon na lang lahat at sumabog na," kuwento ni Erik.



It was then they decided na maghiwalay. Pero sabi ni Erik, naging maayos naman daw ang paghihiwalay nila ni Rufa Mae.



"Hindi naman kami magkaaway noong maghiwalay kami. Nasaktan lang talaga kami sa paghihiwalay, pero wala kaming major fight na nagsagutan kami," sabi ni Erik.

Nagkuwento pa si Erik. Laging harapan silang mag-usap ni Rufa Mae tungkol sa kanilang mga isyu.



"Confrontational kasi ang stance ni Peachie. Kung may gusto siyang sabihin sa akin, sasabihin niya ‘yon sa akin in person. Huwag mong daanin sa text o sa tawag sa telepono. Kailangan sabihin mo nang personal. Mag-usap tayo pero kailangan bigyan mo siya ng time. Gusto niya prepared siya," paliwanag ng singer.



Sabi pa niya, "Matagal kaming nag-usap. Hindi kami nagkasundo tapos usap na naman kami uli. Hanggang sa umalis na ako for my concert tour abroad, hindi pa rin kami tapos mag-usap. Wala pa ring closure kaya hanggang ngayon...kumbaga ngayon, we know na we're not together pero...



"I don't know if you can relate pero minsan dito sa atin, hindi na tayo mag-girlfriend. Hindi na tayo pero we still care for each other. Sweet pa rin ako sa iyo. We still call each other 'baby'. Nag-uusap pa rin tayo sa phone pero hindi tayo. Hindi ko ma-explain mabuti sa tao pero parang ganoon. Walang commitment pero we still care for each other. Sweet pa rin naman kami. We still say I love you and I miss you. Hindi nawawala ‘yon pero we're not together," lahad ni Erik.