Comedienne Ethel Booba backed out as one of the housemates in Pinoy Big Brother Celebrity Edition 2 at the last minute. Ethel changed her mind because she cannot bear being away from boyfriend Janvier Daily. Photo: Noel Orsal


Matunog ang pangalan ni Ethel Booba na kasama sa 13 housemates na papasok sa Bahay Ni Kuya sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition 2, pero napag-alaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na nag-back out ang comedienne sa huling sandali. Nakapasok na sa Bahay ni Kuya ang mga housemates at malabo nang makahabol pa si Ethel.



Ikinuwento sa PEP ng isang malapit kay Ethel ang pangyayari sa biglang pagbabago ng isip ng comedienne.

 

Last Friday, October 12, dapat pumasok na si Ethel sa loob ng Bahay ni Kuya, pero pagkatapos niyang mag-guest sa Wowowee at Pilipinas Game KNB? ay nag-relax muna siya, kasama ng ilang kaibigan sa comedy bar na Laffline. Kinausap ng staff ng PBB ang isa sa mga kasama ni Ethel na pauwiin na ito para sa bahay na nito siya sunduin bago pumasok sa Bahay ni Kuya.

 

Pagkatapos mag-impake at kung kailan palabas na ng bahay at nagpaalam sa kanyang pamilya, saka raw nagbago ang isip ni Ethel. Nag-break down siya, nag-iiyak dahil hindi raw niya kayang pumasok sa Bahay ni Kuya. Hindi raw napigil ng staff si Ethel.

 

Ang rason daw ng pagbabago ng isip ni Ethel na paulit-ulit niyang sinabi ay hindi niya kayang iwan ang boyfriend na si Janvier Daily. Hindi raw niya kayang hindi ito nakikita at nakakausap ng two months na itatagal niya, kung saka-sakali, sa loob ng Bahay ni Kuya.



Ang manager ni Ethel na si Chino Sarenas ang nanghinayang sa pag-urong ng singer-comedienne dahil nagawa na nito ang lahat ng kailangan. Pumasa ito sa medical at physical exams, nag-pictorial, dumaan sa immersion kung saan binalikan nito ang bahay na tinirhan sa Tondo, at iba pang mga kailangan para makuhang housemate. Pero sa huli ay bigla pala siyang umayaw.



Kung may natuwa man sa pag-back out ni Ethel, ito ay ang boyfriend niyang si Janvier. Ayaw talaga ni Janvier na sumali sa PBB ang kanyang kasintahan. Pinagawayan daw nilang dalawa ang pagpasok ni Ethel sa Bahay ni Kuya at ilang araw nang galit-bati ang kanilang relasyon. Isa rin daw ‘yon sa mga rason sa pagdadalawang-isip ni Ethel na sumali. At sa huli nga ay ang boyfriend niya ang nasunod.



Kahapon, October 13, pina-follow-up pa kay Chino kung nagbago ang isip ni Ethel, pero sure na ito sa kanyang desisyon. Obvious na mas pinili ni Ethel ang pag-ibig kaysa career. Iniintindi na lang siya dahil iba raw talaga ang comedienne kung magmahal. Napatunayan na ito sa dating relasyon nila ng basketball player Alex Crisano.



Wala raw kinalaman ang pagbabago ng isip ni Ethel sa hindi pagpayag ng manager ng boyfriend na humarap sa camera si Janvier. Lalong hindi takot si Janvier na harapin ang na-link kay Ethel noon na si Andrew Wolfe, na kasama raw sa 13 celebrity housemates. Sariling desisyon daw ng comedienne na mag-back out.



Nasa bahay lang daw si Ethel ngayon at nagmumuni-muni siguro sa kanyang ginawa. Sana, hind maging daan ‘yon para hindi na siya i-guest ng ABS-CBN sa kanilang mga programa. Wala rin daw siyang katatakutang demanda dahil hindi aabot sa korte ang kanyang pag-urong.