"Ang mga ganyang bagay, hindi na pinapansin, lalo kung sigurado ako sa sarili ko na mali yung mga ikinakalat nilang ganoon nga ako, that I'm allegedly gay," explains Victor Basa about rumors. Photo: Noel Orsal


Pormal na ipinakikilala pa lamang sa press ang mga papasok sa Bahay ni Kuya for this season's Pinoy Big Brother Celebrity Edition 2, kumalat na ang malisyosong text message tungkol sa umano'y questionable gender ng isang hunk na pasok sa nabanggit na batch. Marami ang nagsasabing si Victor Basa ang tinutukoy.



"Palagay ko, ngayon pa lang, may mga taong gusto na akong hilahing paibaba, hindi pa man umiinit ang competition," napapailing na nasabi ni Victor sa PEP (Philippine Entertainment Portal), bago pa siya ikinulong, kasama ang ibang celebrities sa Bahay ni Kuya.



Patuloy niya, "Before, sa pag-uumpisa ko, may mga ganyan nang kumakalat. Deadma lang ako kasi kilala ko ang sarili ko. Ang mga ganyang bagay, hindi na pinapansin, lalo kung sigurado ako sa sarili ko na mali yung mga ikinakalat nilang ganoon nga ako, that I'm allegedly gay.



"Marami ang mas nakakakilala sa akin, kaya bakit kailangan kong idepensa ang sarili ko? They can't even mention my name. So, why should I identify myself? Baka nga hindi rin ako ang talagang sinasabi nilang ganoon," natatawang sabi ni Victor.



Sabi pa ng iba, ito raw ang dahilan kung bakit hindi humataw-hataw ang loveteam nila ni Carla Humphries, na itinampok pa sa Abt Ur Luv.



"Hindi kasi porke may relationship ang isang lalaki at babae, that will guarantee na straight nga ang guy o yung babae," paliwanag ni Victor.

"Nakakatawa lang talaga. Kami naman ni Carla, hindi namin niloloko ang fans para lang makisakay sila, na they will support us just because we have a serious relationship. Enough na yung friends kami, na talagang we're able to establish that in so short a time. We're just playing roles.



"Hindi porke loveless ako, pagdududahan na nila ako. Hindi rin ako ang tipong magsasalita about my private life just to project a macho image. What for? I'm not insecure with my sexuality," kampante niyang pahayag.



GAY ROLE. Sinagot din ni Victor ang intriga na tinanggap daw niya ang pelikulang Maling Akala na idinirek nina Pablo Biglang-Awa at Veronica Velasco (na siyang nagdirek din ng critically acclaimed Inang Yaya) dahil pagka-come out na raw niya ito. Victor portrays a gay role in that indie film.



"Talaga lang, ha?" natatawang tanong ni Victor. "I fell in love with the gay character when I read the script, and that's enough reason for me to accept it. Yun naman ang kailangan ko para ma-prove ko that I can act.



"Iba ang challenge ng gay role. Sabi ko nga, hindi ako insecure sa sexuality ko. Kung may hang-ups akong ganyan, hindi ko na sana tinanggap. Pero, hindi, eh. I look at it as just a role, part of my job," paliwanag niya.



Parang lumalabas tuloy na pinaiingay rin ang nabanggit na indie film, na baka nga maipalabas at the time na nasa Big Brother house pa si Victor.



"I don't know, really," sabi ni Victor. "I'm proud of that gay portrayal. Hindi siya screaming fag, tipong macho gay, kaya I don't have to make it so obvious that I'm gay in the story.



"Hindi ko iniisip na sa stage ng career ko that it will ruin it. Kasi wala naman akong gay kissing scenes or bed scenes sa movie, simulated homosexual acts lang.



"Marami nang gumawa ng ganyan, so, big deal? I mean, lahat ba ng gumanap na gay, gay na rin in real life? Masyadong mababaw ang reasoning kung ganoon."



DESTINY. Destiny raw niya ang pagsali sa PBB. Sabi ni Victor, hindi niya naisip na papasok siya sa Bahay ni Kuya at this early point of his career.



"Hindi naman totoong ang mga sumasali rito, wala nang career, and they need a second chance. I am being given chances," sabi niya.

"Pero nagkataon kasing wala akong regular soap ngayon, where I can sink my teeth into, para masanay ako sa acting ko. Then, this PBB thing just came, at swak sa lahat. Kailan ko nga lang naisip na magandang experience din ito. Alam kong hindi ganoon kadali, pero masarap pa ring maranasan," paliwanag ng controversial hunk.