Allen Dizon has done almost 40 films over his ten years in show business. Now recognized as a mainstream actor with an acting award to boot, Allen is venturing into movie production. Photo: File photo


Medyo naaasiwa si Allen Dizon kapag pinag-uusapan ang pag-asenso niya sa buhay. Likas kasi sa aktor ang kababaang-loob, kung kaya't hangga't maaari ay ayaw niyang pag-usapan ang karangyaang tinatamasa niya ngayon.

Si Allen ay nagsimula sa kaibabaan ng showbiz at maging sa tunay na buhay ay galing din siya sa wala. Maagang naulila sa ama si Allen. Teenager pa lang siya nang paslangin ang kanyang ama sa kanilang hagdanan noon. Sa ina niyang si Rebecca naiwan ang responsiblidad para itaguyod sina Allen at ang tatlo pa niyang kapatid.

Napasok si Allen sa showbiz noong late '90s dahil sa kanyang kaguwapuhan at ganda ng pangangatawan. Pero ipinagpatuloy pa rin niya ang pag-aaral hanggang makapagtapos sa isang unibersidad sa Maynila.

Sa showbiz, unti-unting nakilala si Allen na noong una ay natatakan bilang sexy actor. Halos lahat ng mga pelikulang nilabasan niya ay may temang tumatalakay sa sex at iba pang kauri nito.

"Ganoon yata talaga ‘pag nagsismula, kahit ano kailangang tanggapin ang mga roles para makilala. Okey lang po ‘yon, trabaho lang naman, walang masama," aniya tungkol sa mga sex roles nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Nang lumaon, nakilala ni Allen ang kanyang manager na si Dennis Evangelista, isang scriptwriter na nag-branch out sa talent managing. Una nga niyang naging talent si Allen. Naipaglaban ni Dennis si Allen kung kaya nabigyan ng magandang exposure sa kanyang mga pelikula.

Kinilala bilang aktor si Allen at binigyan ng project sa mga malalaking TV networks, hanggang kilalanin siya bilang isa sa mga mainstream actors.

Sa pelikulang Twilight Dancers (2006), nagkamit ng Best Supporting Actor award si Allen sa Star Awards for Movies. Nominado rin siya sa FAMAS sa parehong kategorya sa darating na awards night, Nobyembre 23.

Ang ilan pa sa memorable films ni Allen ay ang una niyang pelikula—Ang Babae sa Bubungang Lata (1998)—at Pila-Balde (1999).

Likas kay Allen ang pagiging mapag-impok. Halos lahat ng kinita niya ay ipinasok sa maliliit na negosyo, kasosyo ang mga kaibigan, hanggang lumago at nakapagtayo sila ng cellcard distribution center sa Pampanga. Sumunod dito ang car sales business at dito nga umasenso nang husto si Allen.

At ngayon nga, puwedeng sabihing "big time" na si Allen. Isa na siyang producer, at inihahanda na ang unang film venture ng ATD Films Intl., isang digital movie na siya mismo ang artista.

May kasosyo siya rito pero higit na malaki ang puhunan niya. Sa paggawa ng pelilkula, milyong piso ang ginagastos.

Malaki nga ba'ng naipon si Allen?

"Hindi po, kaunti lang po," medyo nahihiya pang sabi ni Allen. "Gusto ko lang makipagsapalaran baka palarin ako bilang producer."

Sex din ang tema ng Paupahan at makakasama ni Allen sa pelikulang ito sina Ms. Gloria Romero, Snooky Serna, Jay Manalo, Joseph Bitangcol, at si German Moreno. Mula ito sa direksyon ni Joven Tan.