"Tapos na yung custody case, nasa kanya na yung mga bata. Pero yung visitation rights ko, yun ang gusto kong i-exercise. Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung bakit ayaw niyang ipahiram ang mga bata sa akin," complains Jackie Forster about her visitation rights. Photo: Noel Orsal


Sa paghihiwalay nina Jackie Forster at Benjie Paras, bukod sa napawalang-bisa ang kasal nila ay natalo rin ang custody case na isinampa ni Jackie para mapunta sa kanya ang pangangalaga ng dalawang anak nila na sina Andrei at Coby.



Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Jackie sa taping ng Boy & Kris noong November 6, malungkot niyang sinabi na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakikita ang dalawang anak niya kay Benjie. Ang nakakalungkot pa raw, kahit ang visitation rights niya ay ipinagkakait din sa kanya ng kanyang ex-husband.



"Tapos na yung custody case, nasa kanya na yung mga bata. Pero yung visitation rights ko, yun ang gusto kong i-exercise. Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung bakit ayaw niyang ipahiram ang mga bata sa akin. Kahit ilang ulit kong binabalik-balikan, hindi ko talaga alam kung bakit," malungkot na pahayag ni Jackie.

 

According to Jackie, hanggang ngayon ay inaapela pa niya sa korte ang visitation rights na ayaw ipagkaloob ni Benjie sa kanya.



"Yun ang ginagawa ko, pero paano ka pakikinggan, iba ang hustisya dito sa Pilipinas?" hinaing niya. "For me lang, may asawa na si Benjie, di ba? Sana magka-baby na sila para yung atensiyon nila, ma-divert naman at malaman nila na hindi biro yung nangyayari.

 

"Ang maganda ngayon, sana mag-move on na kami pare-pareho, maging happy na ang lahat. Kasi ako, masaya na ako, except with that part of my life," sabi ni Jackie.

 

THIRD SON. Kasama ni Jackie sa taping ng Boy & Kris ang kanyang one-and-a-half-year-old baby boy na si Jared Alfred. Nang tanungin namin ang identity ng ama ng anak ay ayaw magbigay ng detalye ni Jackie. Pero masaya siyang nagpapalaki ng kanyang third baby, kahit lalo niyang nami-miss ang dalawa pang anak kapag nakikita ang kanyang bunso.



"Masaya, masarap at araw-araw mong nakikita, ‘tapos may mga bagong natutuhan," lahad ni Jackie. "Pero masakit pa rin kasi when I see him, lalo kong naaalala yung dalawang anak ko, yung mga pinagdaanan namin."

 

ANOTHER BREAKUP. Inamin naman ni Jackie na hiwalay na sila ng ama ni Jared at wala itong suportang ibinibigay sa kanila. Sinabi rin ang aktres na hindi na ito maghahabol sa bata, pero kung saka-sakaling hanapin ng anak ang tunay na ama nito ay hahagilapin din niya ito kung kinakilangan na talaga.



"Hindi siya maghahabol, sigurado ako dun," diin ni Jackie. "Wala siyang financial help na ibinibigay sa amin, nothing. Mahirap but fulfilling because makakaya ko namang mag-isa, sa awa ng Diyos.



"Pag kailangan, hahanapin namin siya. Pero kung sa ngayon, hindi naman kailangan. I think naman my son is growing happy and secured and I surrounded him with positive people. Walang dahilan sa ngayon kasi one-and-a-half lang siya, but I'll do my best to make him happy."



Lahat naman ng babae ay nangangarap ng isang masayang buhay kasama ang sarili niyang pamilya. ‘Tulad din ng mga karaniwang babae, hindi inasahan ni Jackie na mauuwi rin pala sa paghihiwalay ang relasyon nila ng ama ni Jared.



"Akala ko maganda, pero hindi natin masasabi ang mga mangyayari, sabi ni Jackie. "Pero sa ngayon, I'm happy with what happened. I'm happy my son is all mine. I'm happy that I know there's someone better for me."

 

Sa ngayon ay masaya na si Jackie sa piling ng kanyang bagong boyfriend na isang foreigner. Pero ayaw muna ng aktres na sabihin kung ano ang pangalan ng kanyang bagong pag-ibig.

 

Lie low man sa kanyang showbiz career, Jackie is in agricultural business right now. Nang tanungin namin kung hilig ba niya talaga ang agriculture, sinabi niyang maganda ang kita rito kung kaya't pinasok niya ito.