"Hindi ko naman po iniisip na mata-typecast ako as kontrabida. Okay lang sa akin and challenging naman kasi talaga para sa akin ang ganitong role. At saka, para maiba naman. Tutal, sobrang nag-e-enjoy ako sa pagkokontrabida," says Francine Prieto about playing another kontrabida role in Kamandag. Photo: Courtesy of GMA-7


Magbabalik sa pagiging kontrabida ang sexy actress na si Francine Prieto via GMA-7's newest offering titled Kamandag, starring Richard Gutierrez. Unang gumanap na kontrabdida si Francine sa Etheria, pero aminado ang aktres na this time sa Kamandag ay talagang mas kamumuhian siya ng televiewers.

"Challenging talaga ang role ko rito sa Kamandag bilang reyna ng mga taong musang dahil kailangang kainisan ako ng mga tao kasi kami talaga ang totoong salbahe dito," panimulang pahayag ni Francine sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Kamandag kagabi, November 12, sa Studio 3 ng GMA compound.

"Dito sa Kamandag, mas masama talaga ako," patuloy ng sexy actress. "Sa mga kontrabida, pinakamasama si Zoren [Legaspi, bilang hari ng mga taong lobo]. ‘Tapos ako, lagi akong kumakampi sa kanya. At bilang musang, para siyang mapanglinlang. Siyempre babae, alam mo naman ang charm ng babae, gagamitin din bale ‘yon ng karakter na pinu-portray ko rito."

Dahil kontrabida rin ang role ni Francine sa forthcoming movie ni Vic Sotto na Enteng Kabisote 4, hindi kaya ma-typecast siya sa kontrabida roles?



"Kasi yung role ko, masaya na mang-away dahil kakaiba at talagang nakakapagod ito," paliwanag niya. "Pero kung maiinis sa akin ang manonood, mas gusto ko nga po ‘yon kasi ibig sabihin, naging effective ang pagganap ko bilang kontrabida.

"From beginning to end, ganito na ako [nakasuot ng costume na musang]. Mahirap lang dahil magpapawis ka talaga dahil sa suot kong costume. Yun lang naman ang kalaban namin dito.

"Hindi ko naman po iniisip na mata-typecast ako as kontrabida. Okay lang sa akin and challenging naman kasi talaga para sa akin ang ganitong role. At saka, para maiba naman. Tutal, sobrang nag-e-enjoy ako sa pagkokontrabida."

Ibig bang sabihin nito ay retirado na siya sa pagpapa-sexy sa pelikula?

"Hindi pa naman po ako retired sa pagpapa-sexy," sagot ni Francine. "Part din kasi ‘yan ng trabaho ko bilang aktres. If ever may project pa rin, okay pa rin sa akin. Lalo na kung talagang maganda at nandoon talaga yung challenge sa role na gagampanan ko, tulad nga rito sa Kamandag."

Sinabi pa ni Francine ang ilang sa mga preparasyon niya sa kanyang role dito.

"Nagwo-workshop kami bawat tribu, yung mga reyna o hari, plus yung mga kasama niya sa tribu. Yung mga taga-theater sa University of the East ang nagtuturo sa amin sa workshop. ‘Tapos after nun, pinagsama-sama kami para may interaction.

"Abangan nila rito yung mga fight scene na parang mga hayop talaga kami. Ang pinakamahirap na ginawa kong stunt dito ay ‘yung naka-harness ako na tatalon ng napakataas," kuwento ng sexy actress.