After almost five years of stay at the Kapamilya network, actress Angelika dela Cruz has decided to return to the Kapuso network. According to a PEP source, Angelika will sign a two-year exclusive contract with GMA-7.

Photo: Dennis Mendoza


Napag-alaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na kumpirmado na ang matagal nang napapabalitang pagbabalik ng aktres na si Angelika dela Cruz sa GMA-7. Sa katunayan, ayon sa source ng PEP, nakatakdang pumirma ng two-year exclusive contract si Angelika sa Kapuso network bukas ng gabi, November 21.

 

Bagama't napapanood pa si Angelika sa bakuran ng ABS-CBN sa afternoon soap opera na Prinsesa ng Banyera, malapit na rin naman daw matapos ang naturang palabas na pinagbibidahan nila ni Kristine Hermosa kaya wala nang problema kung saka-sakaling simulan na niya ang una niyang proyekto sa GMA-7.

 

Ayon pa sa aming source, ang comeback project ni Angelika sa Kapuso network ay ang TV remake ng Babangon Ako't Dudurugin Kita (1989), na pinagbidahan nina Sharon Cuneta, Christopher de Leon, at Hilda Koronel. Hindi pa nga lang sigurado kung anong role ang gagampanan ni Angelika sa naturang soap opera.

 

Kasabay ng pagbabalik ni Angelika sa GMA-7 ay ang pag-alis niya mula sa poder ng talent manager na si Boy Abunda. Pero nilinaw ng aming source na maayos naman ang ginawang pagpapaalam ni Angelika kay Boy kaya naging madali ang kanilang pakikipag-usap. Ang ama ng aktres na si Ernie dela Cruz ang siyang nagma-manage ng career niya ngayon.

 

Ipinakilala sa pelikulang Nights of Serafina ng Regal Films noong 1996, ang unang soap opera ni Angelika ay ang Mara Clara ng ABS-CBN. Nasundan ito ng Esperanza na pinagbidahan ni Judy Ann Santos at ng horror series na Oka Tokat noong 1997.

 

Then, noong 1999 ay nagdesisyon si Angelika na lumipat sa GMA-7. Sa naturang network ay nabigyan siya ng pagkakataon na magbida sa ilang primetime drama series gaya ng Liwanag sa Hatinggabi, Umulan Man o Umaraw, Ikaw Lang ang Mamahalin, at Habang Kapiling Ka.

 

Ang iba pa niyang shows sa Kapuso network ay SOP, Click, Di Ba't Ikaw, at Pintados.

 

Nagulat ang marami nang magdesisyon ulit si Angelika noong 2003 na bumalik ng ABS-CBN. Sa kanyang pagbabalik sa una niyang tahanan, nakasama ang aktres sa mga teleserye na Sana'y Wala Nang Wakas, Ikaw ang Lahat Sa Akin, Bituing Walang Ningning, at ang palabas pa rin ngayon na Prinsesa ng Banyera.

 

Ang ilan pa sa naging shows niya sa Kapamilya network ay ASAP '07, Masayang Tanghali Bayan, ETK: Entertainment Konek, Little Big Superstar, at Pedro Penduko at ang Mga Engkantao.

 

Bagama't nilisan noon ni Angelika ang GMA-7, ayon sa aming source ay naging maganda pa rin naman ang relasyon niya sa executives ng Kapuso network. Ito raw ang dahilan kaya naging maayos ang negosasyon para sa kanyang pagbabalik.